217 total views
Nanawagan ang Department of Foreign Affairs sa China na maging mahinahon matapos na katigan ang Pilipinas ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands hinggil sa pag-aangkin ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay DFA spokesperson Charles Jose, kinikilala ng bansa ang isang mapayapang kasunduan ukol sa pinagtatalunang teritoryo na naayon sa batas.
“…we are calling on all parties concerned to exercise and respect sobriety maging mahinahon muna and sinabi rin ni Sec. Yasay na kailangang pag – aralan na muna nating mabuti yung interpretation nung decision kung anong ibig sabihin nito para sa Pilipinas in practical terms,” bahagi ng pahayag ni Jose sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ni Jose na pag – aaralan pa ng bansa sa loob ng limang araw ang mga susunod na hakbangin na gagawin upang tuluyan ng magamit ng bansa ang karapatan nito sa maritime entitlement.
“Ayon sa ating solicitor general it would take maybe some 5 days bago makapag – submit sila ng kanilang pag – aaral at makapag – decide ang ating pamahalaan kung anong next step na gagawin. Ma exercise natin ang ating sovereign rights and jurisdiction dito sa ating maritime entitlement.
Batay sa 500 pahinang desisyon ng Arbitral Court, sinasabing walang basehan ang historical rights ng China hinggil sa pag-aangkin nito ng teritoryo sa naturang karagatan.
Nilabag din ng China ang sovereign rights ng Pilipinas alinsunod sa itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS kung saan nakapaloob ang exclusive economic zone o EEZ.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis sa harapan ng mahigit 150 lider sa buong mundo ng United Nations ang pagkilala sa karapatan sa pagmamay – ari ng teritoryo lalo na ng mga mahihirap na bansa.