229 total views
Itinuturing na pag-aaksaya lamang ng oras at enerhiya ang pakikipag-dayalo kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang reaksyon ni Sister Mary John Mananzan, OSB, dating co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) kaugnay sa naging pagpupulong kamakailan lamang ni Catholic Bishops Conference of the Philippine President Davao Archbishop Romulo Valles at Pangulong Duterte.
Iginiit ng Madre na walang kuwenta ang pakikipagdayalogo o ang pakikipagpulong kung malinaw naman na hindi susunod sa anumang mapagkakasunduan ang isa sa dalawang panig.
“So ako I’m not, I’m not even for that dialogue pero sa akin lang wala akong nakikitang good result of that, after all what is the point of dialogue, hindi ko talaga maintindihan kung hindi siya magpa-follow what is the point of dialogue when you know that the other party will not naman abide by any agreement that you have diba so what’s the point sa akin it’s a waste of time and energy, sa totoo lang…”pahayag ni Sister Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ilang araw lamang matapos na magkaharap sina CBCP President Archbishop Valles at Pangulong Duterte kung saan tiniyak ng Pangulo sa Arsobispo ang “moratorium” sa pagbatikos sa Simbahang Katolika ay muli na namang bumanat ito sa mga bumabatikos sa kanya gamit ang relihiyon.
Nagkausap si Archbishop Valles at Pangulong Duterte noong Lunes sa Malacañang kasunod na rin ng pagtatapos ng ika-117 Plennary Assembly ng CBCP kung saan dumalo sa pagtitipon ang mahigit sa 80 mga Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Kabilang sa mga usaping natalakay ay ang mga pangunahing usaping panlipunan kabilang na ang pagsusulong ng ganap na kapayapaan sa bansa.