273 total views
May 26, 2020-11:45am
Tiniyak ni Apostolic Vicariate of Jolo Bishop Charlie Inzon na paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan sa lugar lalo’t malaking porsyento sa populasyon ay mga Muslim.
Ayon pa sa bagong talagang Obispo, matagal nang umiiral ang ‘dialogue of life’ sa lalawigan upang mas maisulong ang pakikipagkapwa ng mamamayan katuwang ang lokal na pamahalaan.
“Tuloy-tuloy yung dialogue of life and helping local government units in our social services,” pahayag ni Bishop Inzon sa Radio Veritas.
Giit ni Bishop Inzon na sa pamamagitan ng dayalogo at iba’t ibang programa ay pinalalago ang interpersonal relationship ng mga Krsitiyano at Muslim tungo sa mas maayos at payapang lipunan.
Isinasabuhay din sa Jolo ang dialogue of faith partikular sa mga eskwelahan tulad ng Notre Dame schools na pinamamahalaan ng Oblates of Mary Immaculate ang kongregasyong kinabibilangan ng obispo.
Sa pagkahirang na pinunong pastol ng Jolo pinili ni Bishop Inzon ang episcopal motto na ‘You are my friend’ na hango mula sa aklat ni Juan kabanata 15 talata 14 sapagkat babalik lamang ito sa lugar kung saan 15 taong nanilbihan bilang misyonerong kabahagi ng mga OMI.
“Hindi pumasok sa akin ang pangamba o yung takot na sinasabi nila kasi babalik ako sa lugar kung saan kilala ko na yung mga tao at naging misyonero ako,” dagdag ni Bishop Inzon.
Umaasa ang obispo na tuluyang makamtan ng mamamayan sa lugar ang pagkakaisa bilang makakapatid at kapwa mga anak ng Diyos.
Ikaapat ng Abril ng italaga si Bishop Inzon ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang obispo ng Jolo habang kasalukuyan itong Superior ng OMI.
Noong ika-21 ng Mayo ay pormal na inordinahan sa Immaculate Conception Cathedral sa Cotabato City sa pangunguna ni Archbishop Angelito Lampon habang co-consecrator naman si Cardinal Orlando Quevedo at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Dahil dito umaasa si Bishop Inzon na sa kanyang pamamahala ay maging intrumento upang matamo ang kapayapaan sa rehiyon.
“Sa pamamagitan ng healing sa personal level at social level, sana maging instrumento ako sa peace and order at sa mabuting relasyon ng mga Kristiyano at Muslim,” giit ni Bishop Inzon.