184 total views
Tanging ang posisyon lamang ang kanyang bibitawan ngunit hindi ang diwa ng paglilingkod para sa kapakanan ng mga bilanggo.
Ito ang tiniyak ni Bro. Rudy Diamante kaugnay sa kanyang pagreretiro sa posisyon bilang Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.
Inihayag ni Diamante na posisyon lamang ang mawawala sa kanyang pagre-retiro sa kumisyon ngunit mananatili ang diwa ng pagtulong at paglilingkod bilang volunteer in prison na kumakalinga sa pangangailangan ng mga bilanggo.
Umaasa rin si Diamante na patuloy pang madagdagan ang kasalukuyang 86 na units ng volunteers in prison service mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
“Ang mawawala lang naman sa akin ay yung posisyon, hindi mawawala sa akin yung pagtulong sa ministry so nandyan pa rin ako, not in my capacity anymore as Executive Secretary but as a volunteer in prison na tumutugon pa rin dun sa pangangailangan ng mga bilanggo. Maaring mawala sa inyo yung posisyon pero sana huwag mawala yung diwa ng paglilingkod so meron kaming 86 units of volunteers in prison service sana dumami pa ito…” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa naman si Diamante na ang kanyang maiwang legacy o maipamana sa mga susunod na maglillingkod sa kumisyon ay ang patuloy na paglawak ng adbokasiya para sa pagtulong sa mga bilanggo.
Ayon kay Diamante, mula ng magsimula ang kumisyon noong 1975 sa pangunguna ng isang Obispo, isang Pari at isang layko ay malaki na ang inilago ng ministeryo sa lahat ng may 86 na diyosesis sa buong bansa.
Tiwala naman si Diamante na mapapangasiwaan ni Rev. Fr. Nezelle Lirio ang kanyang iiwang posisyon bilang katuwang na tagapamahala ng prison ministry ng Simbahang Katolika.
Bukod sa kakayahan at karanasan ni Fr. Lirio ay tiwala rin si Diamante na malaki ang maitutulong ng mga prison volunteers sa pagganap ng Pari sa kanyang posisyong pinangasiwaan sa loob ng 27-taon.
Epektibo sa unang araw ng Disyembre ang pagreretiro ni Diamante sa edad na 70-taong gulang kung saan papalit ang 44-na taong gulang na exorcist priest na si Fr. Lirio mula sa Diocese of Cabanatuan na 18-taon na ring naninilbihan sa Prison Ministry ng diyosesis.
Siya ang magsisilbi bilang bagong katuwang ni Legazpi Bishop Joel Baylon na siyang Chairman ng kumisyon mula noong 2017.
Umaasa naman si Diamante patuloy pang lumawak ang adbokasiya sa bansa kaugnay sa pagtulong sa kapakanan ng mga bilanggo.
Sa kasalukuyan maroong 86 na unit of volunteers ang Simbahan mula sa iba’t ibang diyosesis na mayroong 20 hanggang 100 prison volunteers na nakatalaga sa bawat bilanguan.