377 total views
Hindi nangangahulugan ng pagtalikod ng pangako ng Diyos sa sangkatauhan ang mga nararanasang pagsubok at paghihirap.
Ito ang paglilinaw ng Kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle-Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples’.
Paliwanag ni Cardinal Tagle ang mga hindi magandang karanasan ay hindi kawalan ng biyaya kundi pagsasabuhay sa pangako ng Panginoon na makasama siya sa panghabang panahon.
Ito ang pagninilay ni Cardinal Tagle sa ginanap na misa sa Pontificio Collegio Filippino para sa Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos at Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan na ginugunita tuwing unang araw ng Enero.
Ayon kay Cardinal Tagle, tuwinang kapiling ng tao ang Panginoon higit lalu sa karanasan ng marami na krisis pangkalusugan na dulot ng novel coronavirus at iba’t ibang kalamidad.
“Difficulties do not mean the lack of blessing; the promise of Jesus is ‘I will be with you until the end of time’ that’s the blessing,” ayon kay Cardinal Tagle.
Hinikayat din ng Cardinal ang bawat isa na suriin ang sarili at hanapin ang Panginoon sa bawat yugto ng kanilang buhay maging sa panahon ng pagdurusa.
“As we end the year which some people say is a ‘year of disaster’ may I invite you to look at the blessing (which is) God, how did God keep you during the Year, how did God continue to feed you during the year, how did God smile at you during the year, how did God treat you with kindness during the year, how did God and God’s presence save us from something that would have ruin us,” bahagi pa ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Hiling din ni Cardinal Tagle sa bawat isa na huwag lamang ituon ang pansin sa mga hindi naisakatuparang mithiin noong nagdaang taon sa halip ay bigyang tuon ang pagsasakatuparan sa plano ng Diyos para sa lahat.
Giit ng Cardinal tanging ang Panginoon lamang ang may mas higit na makapangyarihan kumpara sa anumang bagay at anumang mga pagsubok sa buhay.
Ipinaliwanag naman ni Cardinal Tagle na sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan-ang Panginoon lamang ang makapagkakaloob ng kapayapaan at kapanatagan sa bawat isa na hindi lamang nakabatay sa pagkakasundo sa iisang bagay kundi sa pagbibigay galang at halaga sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala, pananampalataya at panindigan sa mga bagay.
“May we experience the blessedness of Mary, she who cooperated with the greatest blessing the incarnation of the son of God that change the course of history and then there will be peace. The World Day of Peace, there is no peace without God. Peace is a gift of God, peace comes from the name of God that is invoke on people and it is not peace not because there are no more differences, no more debates, no more conflicts there will be peace because there is salvation because the smile of God could be stronger than the roaring of guns.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Umaasa naman ang Kanyang Kabunyian na sa pagharap ng bawat isa sa pagsisimula ng bagong taong 2021 ay maging huwaran ng lahat ang pagiging mapagmalasakit at mapagkalinga ng Mahal na Inang Maria para sa mga nangangailangan bilang tunay na Reyna ng Kapayapaan na Ina ni Hesus na siyang tagapagligtas ng sanlibutan.