593 total views
Ang digital divide ay malawakang problema sa ating bayan. Ito ay ang hindi pantay-pantay na access sa teknolohiya at internet. Ayon nga sa Philippine Digital Economy Report 2020 of the World Bank , malawak ang digital divide sa bansa. Ayon dito, halos 60% ng mga kabahayan ay may limitadong access sa Internet at hindi nakukuha ang mga ganansya at benepisyo na bitbit nito.
May mga positibong pagbabago na naman sa digital landscape ng bansa, kaya lamang, mabagal ito habang ang laki ng learning loses ng mga mag-aaral natin dahil na rin sa digital divide. Ngayong panahon ng globalisasyon, kung saan lahat ng panig ng mundo ngayon ay interconnected dahil sa teknolohiya, malaking problema ito sa ating bayan.
Ang laking epekto nito sa competitiveness ng ating mga mag-aaral at manggagawa. Sa halip na mas madali nilang maabot ang kasanayan at edukasyong kailangan nila para sa trabaho nila sa kalaunan, mas hirap sila at mas mahina kumpara sa mga kabataang gaya nila sa ibang karatig bansa.
Hindi lamang sa trabaho at pag-aaral ang epekto nito, damay din ng digital divide ang ilan pang aspeto ng ating buhay gaya ng kalingang pangkalusugan natin. Ang teleconsultation sana ay isang paraan upang makapagbigay payong medikal sa lalong madaling panahon para sa ating mga kababayan sa remote areas. Kaya lamang, dahil mahina ang signal at internet connection, mahirap itong gawin. Sayang, malaki sana ang mabababawas nito sa bilang ng mga mamamayan na hindi man lang nakakapag-konsulta sa doktor para sa kanilang mga sakit na nararamdaman.
Ang digital divide ay nagpuputol din ng access sa mga kabuhayang pwede sanang magdagdag kita sa mga mahihirap nating kabahayan. Maraming mga online business ang pumatok ngayon, lalo na sa mga syudad. Pero sa mga probinsya o remote areas kung saan may mga sariling atin na produkto, hindi natin maintanghal o mapakilala dahil walang internet connection. Maraming mga malikhaing native products na pwede sana nating ma-export ang naluluma, nasisira, at hindi na napapansin, dahil lamang sa digital divide. Sayang ang oportunidad na ito.
Kapanalig, kailangang ating mai-arangkada ang teknolohiya sa ating bayan, hindi lamang sa mga urban areas, kundi na rin sa mga remote areas kung saan napakahalaga ng access to information at knowledge resource. Isa sa mga dahilan kung bakit mas malawig ang ang kahirapan sa mga kanayunan ng ating bansa ay ang kawalan ng access sa mga oportunidad at kaalaman, na maari sanang madala sa pamamagitan ng pagpapalawig ng access sa teknolohiya.
Sana ay ating maharap ito sa lalong madaling panahon upang ating mabawasan man lang ang hindi pagkapantay pantay sa lipunan sa pamamagitan ng teknolohiya. Hindi makatarungan, kapanalig, na tayo dito sa syudad ay sagana sa benepisyo ng teknolohiya habang ang ating mga kababayan sa lalawigan ay salat dito. Sabi nga sa 1 John 3:17: “If someone who has the riches of this world sees his brother in need and closes his heart to him, how does the love of God abide in him? Paalala lamang mga kapanalig, ang kaunlaran ng maralita ay kaunlaran nating lahat. Ayon nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity.
Sumainyo ang Katotohanan.