136,692 total views
Malaking suliranin ang naghahati sa ating lipunan, at hindi ito nabibigyan ng kaukulang atensyon: ang digital divide sa ating bayan. Ang kawalan ng access sa modernong teknolohiya ay lumilikha ng agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap, ng mga nasa urban at rural na lugar, at ng mga nakakalasap ng new knowledge at mga hindi naabot ng anumang uri ng komunikasyon.
Sa Pilipinas, ang digital divide ay nagmumula mula sa hindi pantay-pantay na pagkakakaroon ng internet access. Habang ang mga malalaking syudad ay nababalot ng mabilis na koneksyon at high-tech na imprastruktura, maraming pook sa malalayong lugar ang walang sapat na internet coverage. Ang kawalan ng access sa internet ay nagiging balakid sa pag-unlad ng edukasyon, trabaho, at makabagong kaalaman sa mga komunidad na ito.
Sa larangan ng edukasyon, ang digital divide ay lalong nagpapalala ng agwat sa pagitan ng mga mag-aaral. Ang mga may access sa online learning tools at educational resources ay lamang sa kanilang edukasyon, habang napag-iiwanan naman ang mga walang internet connection. Sa kalaunan, nananakawan sila ng mga oportunidad na mas mapa-igi pa ang buhay dahil sa simula pa lamang, kulang na sila sa kaalaman at impormasyon.
Ang digital divide ay hindi lamang sa access sa internet kundi pati na rin sa sapat na kaalaman upang magamit ito nang maayos. Maraming mga Pilipino ang hindi sanay sa paggamit ng teknolohiya, at ito’y nagiging hadlang sa kanilang pakikilahok sa digital na lipunan. Ang mga hindi gamay ang internet ay hirap maka-gamit ng mga online platforms gaya ng mga apps na magagamit para sa kanilang digital inclusion o kaya apps para rin sa trabaho.
Upang malabanan ang digital divide, kinakailangan ang mga malawakang hakbang mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at sambayanan. Dapat itong magsimula sa pagbibigay ng pantay-pantay na access sa internet sa buong bansa, lalong-lalo na sa mga liblib na lugar. Ang mga programa para sa digital literacy at edukasyon ay kailangang itaguyod upang matulungan ang mga hindi pa sanay sa teknolohiya. Gawin din sanang abot kaya ang internet access sa bansa. Tinatayang nasa P1,280 ang average monthly spending para sa internet connection sa ating bayan. Napakamahal nito para sa maralitang Pilipino kapanalig.
Ang pagkakaroon ng access sa modernong teknolohiya ay hindi lamang isang karapatan kundi isang pundamental na pangangailangan upang mapanatili ang katarungan at kaunlaran sa ating lipunan. Dito na papunta ang maraming mga kalakaran sa ating lipunan, gaya ng e-commerce. Kung laglag ang marami sa ating mga kababayan sa pagsulong na ito, paano na ang kinabukasan nila? Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa 48th World Communications Day: “The internet, in particular, offers immense possibilities for encounter and solidarity. This is something truly good, a gift from God.” Huwag sana natin itong ipagkait sa mga kababayan nating maralita. Iprayoridad sana ng ating pamahalaan ang pagbibigay ng mas malawak at murang access sa Internet.
Sumainyo ang Katotohanan.