2,058 total views
Kinundena ng grupo ng magsasaka ang programa ng pamahalaan katuwang ang pribadong kompanya dahil hindi ito nakatutulong sa sektor ng pagsasaka.
Ayon kay Antonio Flores, chairman ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), patuloy pa rin ang pamamayagpag ng malalaking plantasyon na pag-aari ng mga pribadong indibidwal.
“Inutil na programa ng gobyerno samantalang patuloy ang paglago at paglawak ng mga plantasyon,” mensahe ni Flores sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Flores ang Digital Farmers Program ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute katuwang ang Smart Communications na layong palakasin ang produksyon ng mga magsasaka at mabilis na pagbenta ng kanilang mga produkto gamit ang digital platform.
Ipinaliwanag ni Flores na ang kawalang interes ng kasalukuyang henerasyon sa pagsasaka ay bunsod ng kawalang sapat at wastong programang pang-agraryo upang mapanatili at maipamahagi sa mga magsasaka ang mga lupang sakahan.
“Ayon sa Department of Agriculture hindi na interesado sa pagsasaka ang mga anak ng magsasaka; pero ito ay dahil sa walang tunay na programang pang-agraryo,” ani ni Flores.
Sa nasabing programa ng DA-ATI tuturuan ang mga magsasaka at kabataan ng phone photography, at videography na may kaugnayan sa agrikultura.
Bukod pa rito ang pagsasanay sa mobile agriculture, financial services, moile e-money, micro credit at iba pa. Ayon sa DA ang programang ito ay pagpapalago sa sektor ng agrikultura sa makabagong teknolohiya batay sa Internet of Things (IoT) program ng gobyerno.
Ang pahayag ng UMA ay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng buwan ng mga Magsasaka ngayong Oktubre bilang paggunita sa Presidential Decree No. 27 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos halos 5 dekada na ang nakalipas.
Sa ilalim ng PD 27 bibigyang kalayaan ang mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka at mailipat ang pag-aari sa kanilang pangalan subalit.
Nanindigan ang UMA na hindi makatotohanan ang nilagdaan ng administrasyon Marcos at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuna ng grupo ang tila kawalang pagpapahalaga ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura lalo’t naghihirap ang mga magsasaka bunsod ng labis na pagbaba ng farmgate price ng palay sa 7 piso ang kada kilo dahil sa pagdagsa ng inangkat na bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Sa mungkahi ni Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc marapat suriin ng pamahalaan ang tunay na sitwasyon ng sektor ng mga magsasaka at gawing kooperatiba ng kanilang sektor ang National Food Authority.