181 total views
Mahalaga at napapanahon ang pagpapaunlad sa pamamaraan ng pamamahayag sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Communications sa paglunsad ng digital platform ng Radio Veritas Asia upang mas marami pang mananampalataya ang maaabot ng mabuting balita ng Panginoon.
“Ang ating shift papunta sa digital media is something that is really called for today kasi importante makita natin na we want toreach out more people, we want to evangelize more people.” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Ayon naman kay Rev. Fr. Victor Sadaya, CMF, ang general manager ng Veritas Asia, bilang missionary voice ng Simbahang Katolika hindi lamang mga Katoliko Kristiyano sa Asya ang inaabot ng himpilan kundi maging ang iba pang relihiyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Inaasahan ng Pari na mas higit na mailapit sa tao ang mga Salita ng Diyos at pagsunod sa three – fold mission ng simbahang katolika sa Asya na pagpapahalaga sa usapin ng dignidad ng buhay, relihiyon at ng mga mahihirap.
“Ang Radio Veritas Asia ay hindi lang pumapasok sa lugar kung saan may Katoliko Kristiyano kundi dahil sumusunod ang Radio Veritas Asia doon sa three fold approach to the mission of the asian church namely yung tinatawag nating dialogue of life, dialouge of religion, dialogue with the poor.” saad ni Fr. Sadaya sa panayam ng Radio Veritas.
Bukod dito hinimok din ni Bishop Vergara ang mga kabataan na aktibong makilahok sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos partikular sa social media at masusing suriin ang bawat napapanood at nababasa sa social media na makatutulong sa paghubog ng pagkatao at pagiging mabuting Kristiyano.
1969 ng itinatag ang Radio Veritas Asia upang maging instrumento sa new evangelization ng simbahan.
Halos 5 dekada na ang nakalilipas kasabay ng makabagong teknolohiya ay pinauunlad din ng himpilan ang paglilingkod sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pamamahayag.
Sa susunod na taon ay kapwa magidiriwang ng ika – 50 anibersaryo ang Radio Veritas Asia at Radio Veritas 846 kung saan kapwa layuning higit na maabot at mapalalim ang pananampalataya ng bawat isa.