782 total views
Ang pag-usbong ng teknolohiya ay isa sa mga pinakamalaking biyaya sa ating panahon. Ito ay nagdala ng malawakang pagbabago sa buhay ng lahat ng tao kahit saan mang panig ng mundo.
Isa sa mga magagandang bunga ng digitalisasyon sa ating bansa ay ang mas mabilis na komunikasyon. Ang bayan natin ay archipelago, grupo ng mga isla na napapalibutan ng dagat. Dahil sa digitalisasyon, napadali ang komunikasyon sa ating mga hiwa-hiwalay na isla. Kritikal ito para sa mga negosyo.
Ang digitalisasyon ay nagbigay ng kapangyarihan sa mga maliliit na negosyante. Kung dati rati, ang market ng maliliit na mamumuhunan ay limitado lamang sa naabot ng kanyang mga mata at paa, ngayon, nagkaroon na sila ng online presence. At sa online presence na ito, lumawak hindi lamang ang kanilang merkado, kundi pati ang kanilang mga oportunidad.
Umusbong ang e-commerce sa ating bayan dahil sa digitalisasyon-umabot na ang kalakalan ng mga maliliit na negosyo sa internet. Halimbawa, kung dati pupunta ka pa ng Quiapo upang bumili ng native products, ngayon, titingin ka na lang sa online shops nila at mamimili, madedeliver din agad sa iyo kung nais mo. Hindi lamang ang negosyante o ang consumer ang nakinabang dito, kundi pati ang bayan.
Malaki na ang ambag ng e-commerce sa ating bayan. Ang transaction value nito mula 2022 hanggang 2025 ay tinatayang aabot ng 15.8%. Inaasahan na pagdating ng 2025, aabot ng P495.2 billion ang e-commerce transactions sa ating bayan, mula sa P270 billion noong 2021.
Sa kabila ng mga positibong aspeto na ito, may mga hamon sa paglago ng digitalisasyon sa Pilipinas. Unang una, hindi pantay pantay ang ating access dito. Pag sinabing access, hindi lamang gadget, hardware, at infrastructure ang usapan, kapanalig, kundi kaalaman. Ang lahat ng ito, nagdudulot ng digital divide. Lukso-lukso ang paglago ng digitalisasyon sa ibang sektor at panig ng bansa, pero sa iba, lalo na sa maralita at malayo sa sentro, walang wala.
Ito ang isa sa mga hamon na kailangan harapin ng bansa upang lahat tayo ay makinabang sa digitalisasyon. Ang pagkakaroon ng internet ay itinuturing nang karapatan – ang kawalan nito ay pagdadamot sa impormasyon na kailangan ng mamamayan. Kailangan mapalawak ang access nito, lalo na sa mga remote areas. At pag sinabing access, kasama din dito ang presyo.
Paalala ni Pope Francis sa kanyang mensahe para sa World Communications Day noong 2014- “We should not overlook the fact that those who for whatever reason lack access to social media run the risk of being left behind.” Kailangan nating tiyakin na ang digitalisasyon sa bansa ay para sa lahat, hindi lamang para sa iilan. Hindi lamang nito palalaguin ang ekonomiya ng bayan, tutulungan din nito tayo na maging mas malapit at konektado bilang isang bansa. Sabi pa ni Pope Francis: The internet, in particular, offers immense possibilities for encounter and solidarity. This is something truly good, a gift from God.
Sumainyo ang katotohanan.