188 total views
Hindi kailanman pagmumulan ng kapayapaan at kaayusan ang digmaan.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman – CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa inaasahang mas pinaigting na operasyon ng mga pulis at military laban sa mga rebeldeng komunista na CPP-NPA na idineklarang terorista ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Giit ng Obispo, dayalogo ang dapat na mamayani sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo upang magkaroon ng maayos na pagkakasundo.
“Alam po natin na ito’y matagal ng problema natin at ito’y hindi mahahanapan ng lunas sa pamamagitan ng digmaan, tayo’y palaging naniniwala na ang dialogue ay ang paraan ng pag-uusap na para mahanapan ng solusyon at hindi ng digmaan, matagal na nagdeclare na si Ramos, si Erap ng total war ganun din ang ginawa ni GMA, ganun din ang ginawa ni Pnoy wala namang nangyari at dito ganun din, kaya yung sinasabi na mapipigilan (ang mga komunista) dahil sa digmaan ay hindi totoo yan…”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Nakasaad sa Presidential Proclamation No. 374 sa ilalim ng Republic Act No. 10168 ang opisyal na pagdedeklara ni Pangulong Duterte sa Communist Party of the Philippines, New People Army at National Democratic Front bilang isang terrorist organization.
Dahil dito, muling pinapaaresto ng Pangulo ang nasa higit 10 consultants ng CPP-NPA-NDF na naunang ginawaran ng safe conduct pass dahil sa peacetalks.
Binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng armas kundi sa isang payapang dayalogo sapagkat bukod sa karahasan wala ring pag-unlad ang bansang may digmaan.