626 total views
Mga Kapanalig, sa mga Ebanghelyo katulad sa Mateo 25:35-40, sinabi ni Hesus na sa tuwing pinakakain natin ang mga nagugutom, pinaiinom ang mga nauuhaw, pinatutuloy ang mga dayuhan, dinadamitan ang mga walang maisuot, at dinadalaw ang mga maysakit at bilanggo, Siya ang ating tinutulungan. Sa tuwing nagmamalasakit tayo sa mga pinakahamak sa ating lipunan, pinagmamalasakitan natin ang Panginoon.
Noong isang linggo, kumalat sa social media ang mga larawan ng mahigit sandaang bilanggong nasa ibabaw ng bubong ng gusali ng district jail sa Barangay Nanga sa bayan ng Pototan sa Iloilo. Sa isang malaking placard, nakasulat ang mga salitang “Gutom kami. Layas warden.” Pinagre-resign nila ang warden ng naturang bilangguan dahil sa kakulangan ng pagkain, bagay na pinabulaanan ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (o BJMP) doon. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y kapabayaan sa kulungan. Ngunit una nang sinabi ng BJMP na ang noise barrage ay pinasimunuan ng mga bilanggong tutol sa paglilipat sa kanila sa bago at mas mahigpit na pasilidad.
Anuman ang tunay na ugat ng pangyayaring ito sa Iloilo, hindi na tayo magtataka kung totoong kulang ang pagkaing natatanggap ng mga bilanggo. Ang mga kapatid nating nasa mga kulungan ay isa sa mga pinakabinabalewalang sektor sa lipunan, dahil na rin nakadikit na sa kanila ang negatibong pagtingin ng marami. Ngunit sa katunayan, marami sa kanila ay hindi pa naman talaga napatutunayang lumabag sa labas. Hindi lahat ng nasa kulungan ay nahatulang guilty at pinagdurusahan na ang kanilang sentensya.
Ayon sa isang pag-aaral na ginawa at inilabas ng United Nations Office on Drugs and Crime, isa sa tatlong bilanggo sa buong mundo ay nakadetine nang hindi pa dumaraan sa pagdinig ang kanilang kaso o kaya naman ay hindi pa nahahatulan ng anumang korte. Ibig sabihin, sa tinatayang 12 milyong bilanggo sa buong mundo, nasa apat na milyon ang nagtitiis at nagdurusa na sa mga bilangguan kahit hindi pa naman sila napatutunayang maysala.
Sa Pilipinas, halos 120,000 ang mga kababayan nating nasa mga bilangguan, ayon sa Philippine National Police. Lumobo ang bilang na ito dahil na rin sa brutal na war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte. Sa dami ng mga hinuli at ikinulong, siksikang parang mga sardinas ang mga preso sa iba’t ibang bilangguan sa Pilipinas. Walang bentilasyon sa selda, salit-salit na natutulog sa kakarampot na espasyo, at nagtitiis sa pagkaing ihahain sa kanila—ilan lamang ito sa mga kalbaryong nararanasan ng mga kapatid nating bilanggo.
Kaya magkatotoo sana ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi magiging bulag at bingi ang kasalukuyang administrasyon sa daing ng mga persons deprived of liberty o PDL. Naglaan na raw ang pamahalaan ng 6.7 bilyong piso upang bumili ng lupang pagtatayuan ng mga bagong bilangguan. Ngunit hindi kaya kailangan ding pabilisin din ang pagdinig sa mga kaso nang sa gayon ay hindi literal na mabulok sa bilangguan ang mga suspek pa lamang? Ngayong nagtataasan ang presyo ng mga pagkain, paano titiyakin ng pamahalaang makakakain pa rin nang maayos ang mga bilanggo? Paano nito iiwasang mangyari sa ibang bilangguan ang nangyari sa Iloilo?
Mga Kapanalig, dahil sa ating pagpapahalaga sa dignidad ng tao, isang importanteng prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan, naniniwala tayong ang pagbibilanggo bilang porma ng kaparusahan ay dapat pa ring kinikilala ang dignidad ng mga preso. Ang pagkukulong sa kanila, kung hindi talaga maiiwasan, ay dapat na magbigay sa kanila ng pagkakataong magbago at hilumin ang nasirang ugnayan sa kanilang kapwa at komunidad. Ang mga bilanggo ay mga tao ring may dignidad katulad nating mga nakalalaya.