602 total views
Mga Kapanalig, kasunod ng ulat na dalawa hanggang tatlong bilanggo ang namamatay halos araw-araw sa New Bilibid Prison, ipinag-utos ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang pag-autopsy sa labî ng mga namatay na nakalagak sa Eastern Funeral Services, isang puneraryang accredited ng Bureau of Corrections.
Natuklasan ang mga bangkay matapos imbestigahan ng awtoridad ang pagkamatay ni Jun Villamor, isang bilanggo sa Bilibid na sinasabing isa sa mga middlemen sa likod ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid. Ayon sa manager ng punerarya, aabot sa 176 na katawan ng mga namatay na bilanggo ang nananatili roon. Sampung bangkay na ang kinuha ng BuCor at inilibing sa sementeryo sa loob ng Bilibid.
Kinuha ng DOJ ang serbisyo ng kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun upang inspeksyunin ang mga naiiwang labi sa Eastern Funeral Services. Sa kanyang pagsusuri sa mga bangkay, 50 na lamang ang maaari daw isailalim sa autopsy. Ang karamihan, “tuyot na”; duda siyang malalaman pa ang tunay na sanhi ng kanilang pagkamatay. Ayon sa BuCor, karamihan sa mga inmates ay namatay dahil sa atake sa puso at pneumonia. Isa naman ang sinasabing nagpatiwakal. Isasagawa ang autopsy sa Philippine General Hospital, at ayon kay Dr Fortun, hindi imposibleng walang foul play sa pagkamatay ng mga inmates.
Ipinakikita ng natuklasang ito sa Bilibid na hanggang sa kanilang kamatayan, pinagkakaitan ng dignidad ang mga kapatid nating bilanggo. Anuman ang kasalanang kanilang ginawa at pinagdurusahan sa loob ng kulungan, sila ay mga taong katulad natin—may dignidad na nagmumula sa ating pagiging nilikhang kawangis ng Diyos. Kaya naman, ang Kristiyanong pananaw sa katarungan ay hindi lamang nakatuon sa mga biktima ng mga lumalabag sa batas. Hindi natin dapat sukuan ang mga kapatid nating nakagawa ng mali sa kanilang kapwa. Ang tunay na katarungan ay hindi naghahangad ng paghihiganti sa maysala; ito ay naghahangad din ng pagbabago ng mga lumabag sa batas.
Naniniwala tayong dapat panagutan ng mga napatunayang nagkasala sa lipunan ang kanilang ginawa. Naniniwala tayong dapat silang patawan ng karampatang parusa upang malaman nila ang bigat ng pinsalang ginawa nila at ang sakit na iniwan nito sa kanilang mga biktima. Naniniwala tayong dapat magkaroon at magpatupad ng mga batas na mangangalaga sa taumbayan at magsusulong ng kabutihang panlahat. Ngunit hindi dahilan ang mga ito upang hindi na ituring ang mga bilanggo bilang mga taong may dignidad.
Ang mga nakalagak na bangkay ng bilanggong nabubulok sa punerarya ay maituturing na pinakamasahol na pagtrato sa mga kapatid nating pinagdurusahan ang kasalanang kanilang ginawa. Ngunit bago sila umabot sa kalagayang iyon, matinding paghihirap na ang kanilang pinagdurusahan sa loob ng bilangguan. Marami sa kanila ang nagtiis ng maraming taon sa loob ng siksikang mga kulungan—walang komportableng tulugan, walang maayos na pagkain at inuming tubig, walang malinis na palikuran, walang sapat na bentilasyon. Lantad sila sa maraming sakit at karahasan. Kahit makalaya sila, hindi madali sa kanilang makahanap ng trabaho dahil sa kanilang criminal record. Ang ilan, nagiging biktima ng mga patuloy na gumagawa ng krimen na nasa loob din ng bilangguan—katulad ng mga hitman na ginagamit upang pumatay o mga pushers ng iligal na droga.
Mga Kapanalig, sa pagtataguyod ng katarungan, mainam na paalala sa atin ang winika ni San Pablo sa 1 Tesalonica 5:21, “Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti.” Bilang mga Kristiyano, kaakibat ng ating pagsusulong ng katarungan para sa mga biktima ng krimen ang pagkakaroon din ng awa at habag sa mga nalilihis ng landas. Hindi natin kukunsintihin ang kanilang kamalian ngunit ituring pa rin natin silang mga taong may dignidad. Napakalayo pa natin sa bagay na ito.