296 total views
Mga Kapanalig, kabilang ang mga bilanggo sa mga kapatid nating nakararanas ng matinding pagdurusa at paghihirap. Hindi sila kinalilimutan ng ating Panginoon; wika nga sa Mga Awit 69:33, “Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, lingkod na bilanggo’y ‘di nalilimutan.”
Ganoon na lamang ang pagpapahalaga natin sa dignidad ng mga kapatid nating pinakaitan ng kalayaan at nagdurusa sa mga bilangguan para sa mga nagawa nilang pagkakamali, itinalaga ng Simbahang Katolika ang huling linggo ng Oktubre bilang Prison Awareness Week. Sa taóng ito, nagsisimula ito ngayong araw, ika-25 ng Oktubre, at magtatapos sa Linggo, ika-31 ng Oktubre. Ito na ang ika-34 na Prison Awareness Week.
Sa pinakahuling datos ng Bureau of Corrections, ang opisina ng pamahalaang nangangasiwa ng mga bilangguan para sa mga taong napatawan ng mahabang panahon ng pagkakakulong, mahigit 48,000 ang ating prison population. Pinakarami sa mga ito ay nakakulong sa mga pasilidad ng New Bilibid Prison na ang kapasidad ay para lamang sa halos 6,500. Kaya sa kasalukuyang populasyon sa mga ito, aabot ang congestion rate sa 344%—sa madaling salita, siksikan na sa mga bilangguan natin.
Ganito rin ang sitwasyon ng mga babae sa Correctional Institute for Women, kung saan dinadala ang mga babaeng sangkot sa mga itinuturing na matitinding krimen. May dalawang correctional institutions sa ating bansa—isa rito sa Mandaluyong at isa naman sa Mindanao. Dito sa Mandaluyong, ang pasilidad na para lamang sa mahigit isanlibong preso ay mayroong mahigit 4,700 na bilanggo. Nasa 229% ang congestion rate doon—siksikan na rin ang mga babaeng bilanggo. Tiyak na may epekto ito sa kondisyon ng mga babaeng may ibang pangangailangan kumpara sa mga lalaki.
Lalaki man o babae, ang mga preso ay, una sa lahat, may dignidad na dapat pangalagaan. Ang dignidad na ito ang ugat ng Katolikong pananaw upang unawain ang sistemang pangkatarungan sa ating lipunan, upang buuin ang mga programa nating aabót sa mga kapatid nating bilanggo, at, higit sa lahat, upang isulong ang tunay na katarungan para sa lahat. Malinaw ang ating pagtutol sa parusang kamatayan o death penalty dahil nilalabag nito ang buhay na kaloob sa atin ng Panginoon, ngunit kailangan din nating pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti ng kalagayan ng mga kapatid nating nakabilanggo. Sabi pa nga ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, ang habambuhay na pagkakabilanggo ay para na ring death penalty.
Ngunit kahit pa hindi habambuhay na pagkakakulong ang parusang natanggap ng mga bilanggo, ang manatili sa bilangguan sa mahabang panahon ay matinding paglabag sa kanilang dignidad. Ito ang hirap na pinagdaraanan naman ng mga kapatid nating nasa mga kulungang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP. Ito ang mga provincial, district, city, at municipal jails. Marami sa mga nasa pasilidad na ito ay kasalukuyang dinidinig ang kanilang kaso sa korte o naghihintay pa ng pinal na desisyon. Ngayong may pandemya, ang dating mabagal na proseso ng trial ay mas bumagal pa dahil may mga panahong sinuspinde ang mga hearing. Kulang din ang mga abogado at huwes, kaya naman, ilang taon din ang gugugulin ng mga nasa siksikang detention cells ng BJMP. Ayon sa audit report ng COA, nasa 403% ang congestion rate sa mga kulungan ng BJMP. Mayroong mahigit 115,000 na bilanggo ang nasa mga pasilidad na kasya lamang para sa halos 35,000 na tao.
Mga Kapanalig, isa lamang ang pagsisiksikan sa mga problemang kinakaharap ng ating mga bilangguan at kulungan. Marami pa silang dinaranas katulad ng kakulangan sa pagkain at matinding kalungkutan. Kaya naman ngayong Prison Awareness Week, ating suportahan ang prison ministry ng Simbahan upang tulungang punan ang kakulangan ng pamahalaan at bigyang pag-asa ang mga kapatid nating preso.