576 total views
Mga Kapanalig, laganap pa rin sa lipunang Pilipino ang mga kathang-isip (o “myths” sa Ingles) tungkol sa mga taong hindi tanggap ng mas marami, gaya ng mga mga LGBT o lesbian, gay, bisexual, and transgender. Kahit nakakasalamuha natin sila araw-araw sa ating trabaho, sa pamayanan, o kahit sa loob ng ating tahanan, marami sa atin ang nagtataas ng kilay sa tuwing nakikita natin sila o kaya nama’y iniiwasan sila. Mga instrumento ng imoralidad at masasamang halimbawa sa kabataan ang tingin ng marami sa kanila. Dahil dito, tampulan sila ng panunukso o kaya nama’y katatawanan dahil sa kanilang pananamit, pagsasalita, o pagkilos. Sa ibang pamilya, kahihiyan ang turing sa mga anak na bakla o lesbiyana. Kahit sa ating mga batas, hindi kinikilala ang mga LGBT katulad ng pagkilala sa isang lalaki o isang babae.
Kaya naman marami sa mga grupo ng LGBT dito sa Pilipinas ang tumutok sa oral arguments na isinagawa ng Korte Suprema para sa isang petisyong kumikuwestiyon sa ilang bahagi ng Family Code of the Philippines, partikular ang probisyon nitong nililimitahan ang pag-aasawa sa pagitan ng lalaki at babae. Para sa mga nagsusulong ng legal na pagkakasal sa mga Pilipinong magkapareho ng kasarian, wala raw nakasaad sa Saligang Batas na ang pag-aasawa ay para lamang sa mga lalaki at babae. “Freedom to love,” iyan daw ang kanilang ipinaglalaban, at magmumula sa pagkilala sa kanilang kalayaang magmahal ang pagkilala sa kanilang mga karapatang ikasal sa taong mahal nila. Naninindigan silang kaya rin ng mga LGBT couples na bumuo at magtaguyod ng pamilya. Matapos ang dalawang araw na oral arguments, binigyan ng Korte Suprema ng 30 araw ang nagpepetisyon at ang respondent (ang Civil Registrar General) upang magsumite ng kani-kanilang memoranda.
Kontrobersyal na usapin ang same-sex marriage sa isang bansang katulad ng Pilipinas kung saan marami ang namulat sa tradisyong ang lalaki ay ikinakasal sa babae, at ang babae ay ikinakasal sa lalaki. Malaking bahagi ang ginagampanan ng kultura sa pananatili ng ganitong pananaw, at hindi natin itatangging may papel dito ang Simbahang Katolika. Ngunit nakalulungkot na bahagi ng kulturang ito ang mga kathang-isip tungkol sa mga LGBT, mga mapanghusgang pananaw tungkol sa mga kapatid nating nakahahanap ng pagpapahalaga sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae. Balakid ang mga kathang-isip na ito sa pagkakaroon ng makahulugang pakikipag-dayalogo sa mga LGBT upang maintindihan natin kung saan nanggagaling ang kanilang pakikipaglaban upang kilalanin ng estado ang pagsasama ng dalawang LGBT.
Mga Kapanalig, may dalawang hamon sa atin ang usapin tungkol sa same-sex marriage. Una, hinahamon tayo nitong tunay na unawain ang ugnayan ng ating Kristiyanong pananampalataya at ng kasagraduhan ng kasal. Sabi nga sa Gaudium et Spes, para sa kabutihan ng mag-asawa at ng kanilang mga anak at ng buong lipunan, ang banal na pagsasama ng dalawang tao ay hindi lamang nakasalalay sa pagpapasya ng tao. Ang Diyos mismo ang may-akda ng pag-aasawa at pinupuspos Niya ito ng biyaya.
Ang ikalawang hamon ay may kinalaman sa kung paano natin ituring ang mga kapatid nating naniniwalang karapatan din nilang ikasal sa kapwa nilang LGBT. Hamon ito para sa mga relihiyoso at laiko. Malinaw sa mga turo ng Simbahan na hindi natin dapat pagkaitan ang mga LGBT ng paggalang at malasakit, dahil una sa lahat, mga tao silang may dignidad. Nakalulungkot na madalas, nauuna na natin silang husgahan na para bang ang mga kasalanang ginagawa nila ay hindi ginagawa ng isang lalaki o isang babae.
Mga Kapanalig, anuman ang ating pananaw tungkol sa same-sex marriage, nawa’y hindi mangibabaw sa atin ang pagkamuhi at mapanghusgang pananaw sa mga LGBT. Tandaan nating nagsisimula ang kasalanan sa kabiguan nating maging instrumento ng pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa anuman ang kanilang kasarian.
Sumainyo ang katotohanan.