179 total views
Malaki ang pasasalamat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Simbahang Katolika dahil sa pakikiisa nito sa pamahalaan para tulungan ang daan daang libong drug surrenderers sa bansa kaugnay ng maigting na operasyon laban sa iligal na droga.
Ayon kay DILG Undersecretary for Operations, Atty. John Castriciones, malaki ang papel ng Simbahan upang maisakatuparan ang tinatawag na ‘faith-based approach’ sa mga drug surrenderer na sila ay out-patient habang isinasailalim sa rehabilitasyon.
Ito’y dahil hindi kayang i-accommodate ng gobyerno ang higit sa 738,000 sumuko dahil sa limitado sa 10,000 ang kayang kunin ng itinayong ‘mega rehabilitation center’ sa Nueva Ecija na pasisinayaan sa Nobyembre.
“Kami ay natutuwa dahil sa tulong ng Simbahan, meron kami sa DILG ng faith-based community drug rehabilitation program summit sa October 27 na idaraos sa pakikipatulungan ni Fr. Anton (Pascual) ng Caritas Manila, Fr. Tony Labia at Fr. Bobby dela Cruz ng Restorative Justice Ministry ng CM, ngayon sinimulan na ang paglibot upang ipakilala itong faith-based approached dahil alam natin na malaking porsyento ng ating drug surrenderers na mahigit 730,000 ay hindi maaring ilagay sa drug rehabilitation centers dahil kakaunti lang ito, nasa 10,000 lang pwede I accommodate kaya nag-iisip kami ng paraan na nanganaguluhulugan na sila ay outpatients habang sila ay nirerehabilitate,” pahayag ni Castriciones sa panayam ng Radyo Veritas.
Aniya, ang pasisinayaang rehab center ay libre para sa 10,000 drug surrenderers na ookupa nito.
Kaugnay nito, nagpapasalamat din si DILG usec Castriciones dahil sa tumulong na rin ang iba’t ibang sektor gaya ng malalaking korporasyon para sa pagpapatayo ng rehabilitation centers.
“Nagbigay ng commitment ang ibang malalaking korporasyon, tutulong sa pagpapatayo ng rehab, sa November 16 pasisinayaan ang mega rehab center na kayang I accommodate ang may 10,000 sa Nueva Ecija, ang mga operational expenses, lahat ng gastos sagot ng gobyerno sa tulong ng mga korporasyon lalo na at karamihan ng surrenderers ay mahihirap,” ayon pa sa DILG usec.
Sa ulat ng DILG, sa mahigit 42, 300 barangays sa bansa, 44 porsiyento dito apektado ng iligal na droga habang 92 porsyento ng mga barangay sa Metro Manila may operasyon ng bawal na gamot.
Nakatakda namang ilunsad sa Linggo, October 23 sa Manila Cathedral ng Archdiocese of Manila-Caritas Manila Restorative Justice Ministry ang SANLAKBAY Tungo sa Pagbabago ng Buhay, isang community-based rehabilitation, na kabilang sa alay nito ang pagbibigay ng values formation, counseling, livelihood and training at ang sports development and culture sa mga drug surrenderers.