10 total views
Nakikiisa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mapayapa at maayos na paggunita ng Undas ngayong taon.
Kasabay ng pag-alala at pag-aalay ng panalangin para sa kapayapaan ng mga yumaong mahal sa buhay, hinihikayat ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang publiko na maging maingat laban sa mga mapagsamantalang maaaring samantalahin ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo.
“As we commemorate and pray for the souls of our departed loved ones, the DILG urges the public to practice vigilance against criminals and scammers who take advantage of big crowds in cemeteries,” ayon kay Remulla.
Ipinaaalala rin ng kalihim ang pakikipagtulungan ng publiko sa pagsunod sa mga patakaran sa sementeryo, tulad ng pagbabawal sa pag-inom ng alak, pagsusugal, at mga gawaing posibleng magdulot ng kaguluhan.
Inatasan ni Remulla ang mga lokal na pamahalaan na maghanda at tiyakin ang kaligtasan sa mga pampublikong lugar tulad ng mga sementeryo, memorial parks, at simbahan.
“They are also expected to mobilize and deploy traffic enforcers, barangay tanods, Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), medical personnel, and other force multipliers within the vicinity of the said places,” saad ni Remulla.
Bukod dito, magtatalaga ang Philippine National Police (PNP) ng higit sa 27,000 pulis sa buong bansa upang matiyak at mapanatili ang kapayapaan ngayong Undas.
Inaasahan din ang pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa PNP at mga lokal na pamahalaan para sa dagdag na pagtugon sa kaligtasan ng publiko.
Milyong-milyong katao ang inaasahang magtutungo sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa sa araw ng mga banal o All Saints’ Day sa November 1 at araw ng mga yumaong mahal sa buhay o All Souls’ Day sa November 2.
Kabilang sa mga malalaking sementeryo sa bansa, partikular na sa Metro Manila, ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery, kung saan tinatayang aabot sa 1.8 milyong katao ang inaasahang dadalaw sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Una nang hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga mananampalataya na gawing huwaran ang mga banal ng simbahang katolika upang makapamuhay ng naaayon sa layunin ng Panginoon sa kabila ng anumang pagsubok sa buhay.