3,533 total views
Nagsanib-pwersa ang Department of the Interior and Local Government, Department of Tourism, at Department of National Defense upang tiyakin ang kapayapaan at mapaunlad ang turismo sa Mindanao.
Sa ginanap na seremonya sa Zamboanga City, nilagdaan nina Interior Secretary Benhur Abalos, Tourism Secretary Christina Frasco, at Defense Secretary Carlito Galvez Jr., ang Memorandum of Agreement na titiyak sa kaligtasan, kapayapaan, at kaayusan sa rehiyon.
Ayon kay Abalos, ipinakikita ng bagong convergence program sa pagitan ng tatlong kagawaran ang dedikasyon at pagnanais ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagpapaunlad sa mga pamayanan at lugar sa Mindanao.
“Through this convergence, the DILG commits to ensuring that our local police are properly deployed in tourist destinations. I also call on our local government units to formulate their local tourism plan. Engage civic organizations in your localities to collaborate and work together with the local government units (LGUs) and other non-government organizations (NGOs) in promoting tourism developmental projects.” pahayag ni Abalos.
Binigyang-diin ng kalihim na malaki ang potensyal na patuloy na umunlad ang turismo sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga community-based tourism programs.
Mayaman ang Mindanao hindi lamang sa kultura, kun’di maging sa magaganda at makasaysayang tanawin na magiging kapaki-pakinabang sa pagpapasigla ng turismo, at hanapbuhay sa mga pamayanan.
“What we need to do is to ensure peace and order. Kapag payapa, tahimik at ligtas ang isang lugar, dadayuhin iyan ng mga turista and that is what this convergence program is all about.” dagdag ni Abalos.
Sa panig naman ng simbahan, isinusulong ng Caritas Philippines ang Alay para sa Katarungan at Kapayapaan na kabilang sa Alay Kapwa Legacy Stewardship Program.
Layunin ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ipalaganap ang maayos na ugnayang pulitikal, paggalang sa karapatang pantao, at pagsusulong ng kapayapaan sa bawat pamayanan.