600 total views
June 21, 2020, 2:13PM
Ikinalungkot ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang naiulat na pagpatiwakal ng hindi pinangalanang estudyante ng high school dulot ng kahirapan at pangamba sa panibagong pamamaraan ng pag-aaral na bahagi ng new normal.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, labis ang epekto na idinudulot ng COVID-19 pandemic lalo na sa mahihirap partikular sa mga mag-aaral na sasailalim sa online classes na dagdag gastusin sa mga magulang.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat mahirap unawain ay binigyang diin nitong lahat ng suliranin at pagsubok sa buhay ay may solusyon.
“Mahirap tarukin ang mga suliranin na dulot ng COVID-19, marami ang naapektuhan; ang damdamin na nadarama dahil sa kakulangan ng gamit sa pag-aaral lalo sa panahon ngayon na walang pagkakakitaan subalit lahat ng suliraning dumadating sa buhay natin ay may paraan at kalutasan,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Batay sa ulat nagpatiwakal ang 19-anyos na estudyante sa lalawigan ng Albay dahil sa pangambang hindi makabibili ang mga magulang ng mga gamit para sa nalalapit na pagsisimula ng online classes dala ng kahirapan.
Dahil dito nagpaabot ng pakikiramay at pakikiisa si Bishop Mallari sa pamilyang naulila ng biktima at dalangin ang katatagan sa gitna ng pagsubok na hinaharap.
“Karamay ninyo kami [simbahan] sa inyong pagdadalamhati at taus-puso ang aking pagasa sa Diyos sa kanyang awang walang hanggan para sa ating lahat,” dagdag ni Bishop Mallari.
Magugunitang suportado ng Catholic Education Ministry ng CBCP ang pagbubukas ng klase sa Agosto sapagkat malaki ang maitutulong nito sa kabataan partikular sa pag-iisip o mental health lalo’t dumarami ang kaso ng depresyon mula nang ipatupad ang mahigpit na panuntunan ng community quarantine sa bansa.
Sinabi rin ng Department of Education na bukod sa online learning ay mamahagi rin ng modules ang ibang eskwelahan para sa mga batang walang kakayahan sa online classes partikular sa kanayunan na hindi abot ng signal ng internet, radyo at telebisyon.
Patuloy na nanawagan ng pagkakaisa ang simbahang katolika sa bawat mamamayan upang matulungan ang mga nakararanas ng depresyon dulot ng pandemya.