2,071 total views
Ikinatuwa ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang pasya ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na gawing National Shrine and Diocesan Shrine and Parish of St John Paul II sa Hermosa Bataan.
Inihayag sa Radio Veritas ni Bishop Santos na isang magandang balita ito para sa pamayanan at sa mga deboto ng santo na kilalaning pambansang dambana ang simbahan.
Sinabi ng obispo na tanda ito nang paninindigan ng simbahan na nakahandang tanggapin ang bawat taong nangangailangan ng masisilungan lalo na sa panahon ng kagipitan tulad ng mga biktima ng Indo-Chima Wars na kinupkop ng lalawigan.
“Sa pagkakatalagang National Shrine ipinakikita natin ang pagmamahal sa Diyos at sa kanyang bayan gayundin ito rin ay regalo natin sa Inang simbahan at pagkilala kay St. John Paul II sa kanyang mabubuting halimbawa at pagmimisyon sa Simbahan,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
February 2021 nang pangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pagtalaga ng simbahan bilang pandiyosesanong dambana kasabay ng ika 40 anibersaryo ng pagdalaw ni St. John Paul II sa Bataan noong February 21, 1981 nang bumisita ito sa Pilipinas.
Ayon pa sa Obispo, lalong maging bukas ang simbahan para sa bawat debotong maglakbay at naghahanap na mapapahingaan.
“Kung paano natin tinanggap ang mga refugees na biktima ng indo China wars ay muli nating binibigyang diin ang kahandaang pagtanggap sa mga nangangailangan ng kanlungan sa pamamagitan ng National Shrine,” ani Bishop Santos.
Sa ikalawang araw ng CBCP plenary assembly ay nagkaisa ang mga obispo na italaga ang pambansang dambana bilang pagpupugay sa dating santo papa gayundin ang pagpapalawak ng debosyon at pananampalataya.
“Pasasalamat sa ating mga obispo ng Pilipinas sa kanilang pahintulot at pagsang-ayon na italaga ang Diocesan Shrine of St. John Paul II na maging National Shrine,” saad ng obispo.
Inaasahang dadalo sa pagtatalaga ng National Shrine ang mga taong naging bahagi sa pagbisita noon ni St. John Paul II sa lalawigan gayundin ang mga opisyal ng CBCP sa pangunguna ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at mga opisyal ng pamahalaan.