2,614 total views
Umapela ng suporta ang Diocesan Shrine of Sto. Nino Parish sa Bago Bantay, Quezon City para sa isasagawang benefit concert sa September 16.
Ayon kay Hannah Mikhaela Segovia ng Parish Pastoral Council, layunin ng Marian Concert na suportahan ang programang ‘LSS: Hapag-Ibig’ na kumakalinga sa mga palaboy at higit nangangailangan sa lipunan.
“Yung proceeds nitong benefit concert mapupunta sa mga street dwellers na tinutulungan ng parokya namin, mga 80 to 100 yan sila na kine-cater sa parish every Sunday.” pahayag ni Segovia sa Radio Veritas.
Ayon kay Segovia, sinimulan itong LSS – Hapag-ibig noong September 5, 2021 sa pangunguna ni Diocesan Rector at Parish Priest Fr. Ron Mariano Roberto sa pakikipagtulungan ng Crisis Management ng parokya.
Sinimulan ito sa paglilibot sa mga lansangan kung saan namamahagi ng pagkain sa street dwellers tuwing Linggo subalit nang magluwag ang panuntunan sa COVID-19 ay sa mismong simbahan na ito isinasagawa.
“Noong magluwag ng protocols, ang mga street dwellers ang pumupunta sa simbahan every Sunday, nag-aattend sila ng Mass then may katekesis, saka sila pinagsisilbihan, pinakakain ng parish volunteers.” ani Segovia.
Tema ng Marian benefit concert ay ‘Maria Tanglaw at Pag-asa ng mga Dukha’ kung saan magtatanghal ang Lourdes Choir, Strings & Luminous Choir, Coro Cielo, Coro Sagrada Familia, Missionary Servants of the Blessed Sacrament, PUP Bagong Himig Serenata, Vox Populi, Vox Archangeli, at Vox Angelicum Choirs, Joy of the Hearts at Sto. Nino Choir habang tampok din sa pagtatanghal ang tanyag na mang aawit na si Lara Maigue.
Isasagawa ang benefit concert sa simbahan alas 6:30 ng gabi kung saan ang bawat manonood ay may pagkakataong mag-alay ng kanilang tulong para sa LSS: Hapag-ibig program.
Matutunghayan din ang Marian Concert sa Facebook page ng Diocesan Shrine of Sto. Nino Parish kung saan maari ring magpaabot ng tulong ang online viewers sa pamamagitan ng Gcash at bank transfers na ipakikita sa screen.
Ang benefit concert ay pinangangasiwaan ng music ministry ng dambana na pinamumunuan ni Angelique Regio.
Sa mga nais makibahagi sa programa ay makipag-ugnayan sa official Facebook page ng parokya para sa karagdagang detalye sa paglingap sa pangangailangan ng street dwellers.