19,967 total views
Muling magtitipon-tipon ang mga kinatawan mula sa 85-diocesan social action centers (DSACs) sa bansa upang talakayin ang iba’t ibang usapin at programa sa mga kinasasakupan.
Ito ang 41st National Social Action General Assembly (NASAGA) ng Caritas Philippines, na isasagawa mula June 17-21, 2024 sa Jaro, Iloilo City.
Ang Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC) sa pangunguna ni SAC Director Fr. Meliton Oso ang naatasan upang pangunahan ang NASAGA 2024 na isinasagawa tuwing ikalawang taon.
Ayon kay 41st NASAGA Overall-in-charge, Ms. Jeanie Curiano, layunin ng pagtitipon na kumustahin ang mga programa ng 85 DSACs sa bansa tulad ng pagtugon sa kalamidad, pangangalaga sa kalikasan, pagtulong sa mga higit na nangangailangan, at mga usaping panlipunan.
“Ito ‘yung pagkakataon wherein all the 85 social action centers ng dioceses natin ay magkita-kita. Sa ngayon, meron nang 60 dioceses already registered and expected around 200 participants ang makakapunta,” pahayag ni Curiano sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Sisimulan ang 41st NASAGA sa pamamagitan ng Banal na Misa sa National Shrine of Our Lady of the Candles o Metropolitan Cathedral of Saint Elizabeth of Hungary sa pangunguna ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo.
Kabilang naman sa mahahalagang tatalakayin sa gawain ang paksang The National Situationer on the West Philippine Seas na ihahatid ni University of the Philippines Institute on Maritime Affairs and Law of the Sea director, Prof. Jay Batongbacal.
Susundan ito ng Role of Philippine Church in Politics na ipapaliwanag ni Simbahang Lingkod ng Bayan executive director Karlo Abadines; at ang The Philippine Energy Situation na ibabahagi naman nina Department of Energy Usec. Felix William Fuentebella at Center for Energy, Ecology, and Development executive director Gerry Arances.
Tema ng 41st NASAGA ang “Social Action Network: Journeying to Empower Communities in Faith, Love, and Justice”.
Taong 1969 nang magsimula ang NASAGA na layong tipunin ang lahat ng SAC directors at representatives upang talakayin at aprubahan ang mga pangunahing resolusyon na may kaugnayan sa mga programa, serbisyong panlipunan, at organizational development ng Caritas Philippines.