234 total views
Suportado ng Diocese of Balanga ang panawagan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines President at Lingayan Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa pagbibigay ng proteksyon sa mga opisyal ng pamahalaan at mga testigong natatakot tumestigo sa likod ng madugong kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, bukas ang buong diyosesis sa pagtanggap sa mga indibidwal na may hawak na mahahalagang impormasyon na posibleng makakatulong upang masugpo ang laganap na extra judicial killings sa bansa.
“Yes, we support and we are in solidarity with Archbishop Soc,” pahayag ni Bishop Santos.
Kaugnay nito, sinabi ng Obispo na maglalabas din ng bukod na ‘pastoral reflections’ ang diyosesis na tatalakay naman sa tunay na mandato ng kapulisan gayundin sa patuloy na pagsusulong ng katarungan at karapatang pantao.
“In our Diocese we will also issue pastoral reflections: by October 12 focusing on PNP motto ‘to protect and to serve’ and on November 1, focusing two sources death now: nawalan ng preno at nanlaban – ending on Church solidarity with victims, promotion of justice and assistance for contrite civil authorities,” pagbabahagi ni Bishop Santos.
Sa tala ng mga human rights advocates, umabot na sa 13-libo ang bilang ng mga napapatay na iniuugnay sa ilegal na droga kabilang ang may 4,000 katao na napaslang sa mga lehitimong police operations.
Una nang naglabas ng mensahe ang CBCP na humihikayat sa bawat simbahan, kumbento at seminaryo na magsilbing santuaryo para sa sa mga taong binabagabag ng kanilang konsiyensya dahil sa taglay na mga impormasyon na maaaring makalutas sa matinding drug problem sa bansa.