431 total views
Tutol si Diocese of Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos na muling buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant.
Ayon sa Obispo, malaking kapahamakan kung itutuloy ng pamahalaan ang paggamit sa nuclear power plant, una na sa kalusugan ng pamayanan at pangalawa ay sa kalagayan ng ating kalikasan lalo’t tumitindi ang epekto ng climate change sa bansa.
“Ito’y malaking kapinsalaan sa atin, kung mapapansin natin ang mga exit ng bagyo ay dito sa Southern, dito sa amin, at ang mga habagat dito sa amin ay napakalalakas, e ngayon kung bubuksan pa ang Power plant ay lalo nang napakalaking kapahamakan, at panganib ang nagbabanta sa atin, kaya ngayon palang aming [inihahayag] na kami ay tututol dahil sa malaking kapahamakan,” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Iminungkahi ni Bishop Santos na gumamit na lamang ng mga alternatibong pagkukuhanan ng enerhiya tulad ng solar power, hydro power, geothermal power, at biomass.
“Suggestion natin ay palawakin natin ang pag-aaral, pagpapaunlad sa mga iba pang sources ng energy tulad ng Solar, tulad ng wind at hydro. Palagay ko sa wind maganda rin don yung mga nangyayari sa Northern Luzon kasi malakas ang hangin dito,” dagdag ni Bp. Santos.
Batay sa pag-aaral ng Department of Energy (DOE) National Power Corporation (NAPOCOR) at Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) aabot sa $1 billion ang magagastos ng pamahalaan sa loob ng apat na taon para sa muling pagbuhay sa BNPP.
80% sa mga kagamitan ng BNPP ang kinakailangang muling masuri ng mabuti habang ang iba naman ay kinakailangan nang palitan.
Ang 389 na hektaryang kinatatayuan ng BNPP ay matatagpuan sa Naot Point, Morong Bataan.
Tinatayang 31 taon na mula nang sinimulan itong itayo noong 1984.