271 total views
Inihahanda na ng Diocese of Butuan ang tulong sa mga katutubong nagsilikas sa pagsalakay ng mga paramilitary group sa kanilang ancestral domain sa Agusan del Sur.
Inihayag ni Father Carlito Clase, director ng Diocese of Butuan Indigenous People’s Apostolate na apat na leader ng tribung Manobo at Lumad ang nasawi sa pagsalakay ng paramilitary groups sa apat na Barangay sa Talacogon, Agusan del Sur.
Nabatid din ni Father Clase na mahigit sa 100-pamilya na ang nagsilikas dahil sa takot ng pag-atake ng mga paramilitary group sa kanilang komunidad.
“Pina-validate ko pa yung mga detalye, may mga tribal leaders din akong pinalakad the other day para ipa-validate kung saan-saan talaga nangyayari ang pag-atake. Sa ngayon pina-facilitate by parish muna, parochial level muna, sa Diocesan Level tinatawagan muna ang mga Parish Priest kung paano ma-facilitate sa Simbahan yung kailangan na tulong ng mga IP’s natin.” pahayag ni Father Clase sa panayam ng Radio Veritas.
Kinumpirma ng pari na sa kasalukuyan ay nagtutulungan ang Simbahan at lokal na pamahalaan ng Agusan Del Sur upang mas magiging epektibo at mabilis ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangang lalo’t mas malaki rin ang kapasidad ng lokal na pamahalaan na ayudahan ang mga nangangailangan.
“Kino-coordinate din natin sa government, kasi mas madali ang tulong, mas kumpleto ang government resources. Ginagawa natin partnership talaga, hindi lang ang Simbahan ang nagreresponde kailangan din natin ang tulong ng gobyerno sa local area, para multi-sectoral ang approach.”paglilinaw ni Father Clase.
Sa inisyal na ulat, higit sa 100-pamilya na ang nagsilikas mula sa 4 na barangay sa Timog na bahagi ng probinsya ng Agunsan Del Sur.
Nabatid mula sa datos ng grupong KATRIBU mula taong 2010 ay 70-katutubo na ang naging biktima ng extra-judicial killing kung saan 53 sa mga nasawi ay mula sa rehiyon ng Mindanao.
Naitala din ng grupo ang siyam(9) na pambobomba sa mga tribal communities sa Mindanao na naging sanhi ng 54-kaso ng forced evacuation ng may 20,000 mamamayan.
Magugunitang November 2015 ng isagawa ng may 700-Lumads ang Manilakbayan 2015 Caravan upang ipanawagan sa pamahalaan ang katarungan sa mga pinaslang na tribal leaders at mabawi at maprotektahan ang kanilang mga ancestral domain sa paninira ng mga mining company.
Kaugnay nga nito, binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Encyclical Letter na Laudato Si ang pagbibigay ng malaking papapahalaga sa mga tribo at katutubo na siyang pangunahing tagapangalaga ng kalikasan.