377 total views
Kumikilos na rin ang Diocese of Kidapawan para matulungan ang mga magsasaka lalo na ang mga nagpo-protesta dahil sa pagkagutom bunsod na hindi sila makapagtanim dahil sa epekto ng El Nino
Ayon kay Diocese of Kida1pawan Apostolic Administrator Sede Vacante, Rev. Fr. Lito Garcia, nag aayuda na rin sila sa mga nasugatan sa madugong dispersal para sa kanilang gastos sa ospital.
“Nakikipag-coordinate ang mga pari sa mga sugatan para maipadala sila sa ospital, pantustos sa kanilang gastos, inaayos ngayon , dahil as of yesterday andun pa rin ang mga raliyista na may humihingi na rin ng bigas, andun ang mga pulis na humahadlang na sila ay papasukin dahil may ibang grupo na dumating at nanghihingi ng bigas.” Pahayag ni Fr. Garcia sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ni Fr. Garcia na ngayong umaga posibleng ibigay ng lokal na pamahalaan ang bigas na ipinangako nila sa mga magsasaka na kukunin nila sa kani-kanilang munisipyo dahil ito ang napagkasunduan noong Biyernes sa negosasyon..
“Babalik ang mga raliyista sa kanilang mga munisipyo dahil dun ibibigay ang kanilang mga bigas, makakauwi sila na may matatangap na bigas at ihahatid pa sila sa kanilang mga barangay, nagbalikan na rin ang mga lider, “ ayon pa sa pari.
Magugunitang tatlong magsasaka ang ang namatay habang marami pa ang sugatan sa madugong pagtaboy sa kanila ng magsagawa sila ng pagharang sa mga pangunahing kalsada matapos na hindi pa naibigay ng gobyerno ang kanilang subsidiya sa bigas.
Napag-alamang ang actor na si Robin Padilla ay nagpadala na ng 260 sako ng bigas at iba pang indibidwal at institusyon
Nagprotesta ang may 5,000 mga magsasaka dahil sa pagkagutom bunsod na rin na hindi sila makapagtanim dahil sa epekto ng tagtuyot.
Sa ulat ng Pagasa, mahigit na sa 60 ang lalawigan na apektado ng El Nino sa bansa karamihan nito nasa Mindanao.
Una ng nanawagan ang Santo Papa Francisco sa kanyang encyclical on ecology na Laudato Si na pangalagaan ang kalikasan para malabanan ang malalang epekto ng Climate change gaya ng El Nino at La Nina.