460 total views
July 2, 2020-12:19pm
Hingin ang patnubay ng Panginoon sa panahon ng krisis na dulot ng Covid-19.
Ito ang panawagan at panalangin nina Antipolo Bishop Francis de Leon at Auxiliary Bishop Nolly Buco sa mga nasasakupang kawan na patuloy na nangangamba dahil sa novel coronavirus gayundin sa kanilang kabuhayan.
Sa inilabas na video message ng mga obispo na Panalangin ng mga Pastol nakapaloob din dito ang pakikiisa ng simbahan sa paghihirap na nararanasan ng mga mananampalataya.
“Diyos naming Makapangyarihan, kami ay nagpapasalamat sa biyaya ng buhay na Iyong ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob. Inilalapit namin sa Iyo ngayon ang aming mga kalooban na ikaw lamang ang nakakaalam sa kabila ng mga krisis ng aming nararanasan. Gayundin ang mga sakit at hinagpis ng aming mga kapatid na patuloy na tumatanaw sa isang maayos at payapang kinabukasan,” ang bahagi ng panalangin ng mga Obispo laban sa Covid-19 na nakalathala sa antipolodiocese.org.
Gayundin ang panalangin para kanilang kalakasan at kaligtasan mula sa virus at ang paggaling naman sa mga dinapuan ng Covid-19.
Umaasa din ang mga obispo ng Antipolo na mapapawi rin ang suliranin ng mundo mula sa virus sa bisa ng patuloy na panalangin sa Panginoon.
Muli namang pinalawig ng Inter-Agency Task Force ang General Community Quarantine (GCQ) sa lalawigan ng Rizal kung saan naitala ang higit sa 700-kaso ng nahawaan ng Covid-19 na ang pinakamalaking bilang ay mula sa Antipolo City.