388 total views
Tiniyak ng Diocese ng Baguio ang pagsunod sa mga panuntunan ng lokal na pamahalaan ng lalawigan upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus disease.
Ito’y kaugnay na rin sa pagpapahintulot na muling buksan ang lungsod para sa mga residente ng Luzon sa kabila ng banta ng pandemya.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, ang pagpapahintulot na buksan ang lungsod sa mga hindi nito residente ay responsibilidad ng lokal na pamahalaan, gayundin sa usapin ng turismo at pangkalusugan.
“The re-opening of Baguio to non-residents is the concern of Baguio government not the church. Tourism and health of the people are basically government concerns. Even the church is merely following government protocols during this pandemic,” ang pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ng obispo na maging ang simbahan ay sumusunod din sa safety health protocols na inilalabas ng pamahalaan upang maiwasan ang epektong dulot ng pandemya.
Pinaaalalahanan ng diyosesis ang mga mananampalataya na patuloy na sundin ang mga ipinapatupad na safety health protocol lalo’t inaasahan na ang pagdagsa ng mga turista sa lungsod.
Sa huling tala ng Baguio City COVID-19 Monitoring, umabot na sa 1,895 ang kabuuang kaso ng virus sa lungsod, 1,316 ang naitalang mga gumaling habang 25 naman ang nasawi.