386 total views
May 17, 20201, 2:21PM
Hinangaan ng obispo ng Diyosesis ng Borongan sa Eastern Samar ang matatag na pananampalataya ng mga mamamayang labis naapektuhan ng nagdaang bagyong Ambo.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Crispin Varquez, itinuring nitong super typhoon ang nagdaang bagyo batay na rin sa iniwang epekto nito lalo na sa northern part ng diyosesis kung saan nasira ang ilang simbahan, mga bahay at establisimiyento.
Aniya, bagamat doble ang hirap ng mamamayan sa mga hardly hit areas sa lalawigan, nakikitaan pa rin ito ng matibay na pananalig sa Diyos.
“Doble ang hirap ng mga tao dito (Eastern Samar), pero we have to move on we have to continue sabi nga ng mga tao, magpasalamat pa rin tayo sa Diyos na buhay tayo; ‘yan ang beauty ng people who have faith hinangaan ko sila,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council mahigit sa isandaang libong indibidwal ang lumikas partikular sa Samar upang makaligtas sa hagupit ng bagyo na maihalintulad sa bagyong Yolanda na nag-iwan ng labis na pinsala sa lalawigan.
Sinabi ni Bishop Varquez apat na indibidwal ang kumpirmadong nasawi sa nagdaang bagyo habang patuloy pa rin ang assessment ng social action center ng diyosesis upang matukoy ang lawak ng pinsala lalo sa mga simbahan.
Ibinahagi din ng Obispo ang labis na pinsala ng simbahan ng San Ramon Nonato Parish sa bayan ng Arteche at kabilang sa siyam na parokyang naapektuhan ng bagyo sa pitong munisipalidad ng Eastern Samar.
Dahil sa kasalukuyang pandemyang naranasan ng buong daigdig, humiling panalangin ang obispo para sa mamamayan sa lugar at sa iba pang apektado ng bagyo na labis din ang paghihirap dahil sa kawalan ng sapat na kita.
“Patuloy n’yo po kaming ipanalangin; sa mga taong gustong tumulong lang po alam ko naman ang hirap na rin ang mga tao ngayon ngunit gustong tumulong, you can bring your assistance sa mga victims,” dagdag pa ni Bishop Varquez.
Inihayag ng obispo na hindi rin maaasahan sa kasalukuyan ang pamahalaan lalo’t malaki na ang nagastos at nagsagawa na rin ng re-alignment sa pondo upang tulungan ang mga Filipinong nahirapan dahil sa pandemic COVID 19.
Sinisikap ng diyosesis na paghati-hatiin ang nalalabing pondo ng social action center para sa mga biktima ng bagyo upang maibsan ang paghihirap ng mga tao sa rehiyon.