335 total views
Nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud sa mga kaanak ng anim na biktima na pinatay ng isang magsasaka sa bayan ng San Leonardo, Cabanatuan.
“Ang kaparian, mga relihiyoso at relihiyosa, at ang Diocesan Council of the Laity ng Diocese ng Cabanatuan ay nagpapaabot ng taus-pusong pakikiramay sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng masaker sa Barangay Tambo Adorable, San Leonardo, Nueva Ecija,” ayon sa inilabas na pahayag ng Diocese ng Cabanatuan noong April 22.
Ayon kay Bishop Bancud, isa itong panibagong hamon sa mga pari, relihiyoso at mga layko na muling pag-alabin ang pananampalataya sa pagpapalaganap ng pag-ibig at kapayapaan sa kapwa.
“Nawa ang malagim na pangyayaring ito ay muling magpaalab sa diwa ng ating misyong ipalaganap at itaguyod ang kapayapaan ni Kristo sa daigdig na ito,” ayon sa pahayag ni Bishop Bancud.
Agad namang sumuko ang suspek na si Jessie Tesoro, 34 na sinampahan ng kasong multiple murder at frustrated murder makaraang patayin ang kaniyang nobya na si Jennifer Cariaga at lima pa nitong kamag-anak kabilang na ang dalawang bata.
Isa namang biktima ang nakaligtas mula sa trahedya na naganap noong April 20. Pinasalamatan din ng Obispo ang mabilis na paglutas ng pulisya sa krimen para sa kagyat na pagkamit ng katarungan sa mga nasawing biktima.
“Sa liwanag ng ating pananampalataya, magsikap nawa tayo sa pagsusulong sa kapayapaan at pagkakasundo sa ating sambayanan at sa pangangalaga ng biyaya ng buhay at pagkakaisa ng pamilya sa ating tahanan,” dagdag pa ni Bishop Bancud.