300 total views
May 4, 2020-11:29am
Nagpapasalamat ang Diyosesis ng Ilagan, Isabela sa Caritas Damayan ng Caritas Manila sa P300-libong ipapadalang tulong para sa residente ng kanilang nasasakupan na higit na apektado ng umiiral na lockdown dulot ng pandemic novel coronavirus.
Ayon kay Ilagan Bishop David William Antonio, ito ay malaking tulong para sa kanilang mamamayan lalu’t kabilang ang kanilang lalawigan sa pinalawig na pag-iral ng Enhanced community quarantine ng hanggang sa ika-15 ng Mayo.
“Malaking bagay po ito para sa kanila at para sa amin dahil ang napag-usapan nmain sa mga kaparian na importante na maipadama ng simbahan ang ating presensya lalu na sa panahong ito tayo ay nakikiisa kahit paano ano man ang maaring maitulong ay laking pasalamat nila,” ayon kay Bishop Antonio.
Sinisikap din ng simbahan sa Ilagan, Isabela na magpahatid ng tulong sa mga residente sa inisyatibo na rin ng bawat Parokya bagama’t ito ay limitado ay higit din ang pasasalamat ng mga residente.
Dagdag pa ng obispo, bagama’t ang Isabela ay itinuturing na ‘rice granary’ ng Northern Luzon ay hindi naman lahat ay may sariling lupang sasakahin.
“Kasi marami din dito lalu na sa urbanized areas na ordinary employees din o arawan lamang. Construction workers ay hindi naman sila pwedeng pumasok ngayon. Sila ang tinatarget natin para bigyan ng tulong,” ayon pa sa obispo.
Ang Diocese ng Ilagan ay may kabuuang 1.2 milyong mananampalataya sa 39 na Parokya na pinangangasiwaan ng 55 mga pari.