161 total views
Nanawagan ng tulong sa mga doctor at psychologist si Fe Salimbangon, Social Action Center Coordinator ng Diocese of Iligan para sa mga senior citizens na biktima ng digmaan sa Marawi City.
Ayon kay Salimbangon, nabigyan na ng paunang session ng Psychosocial intervention ang mga bata sa evacuation center subalit kinakitaan din nila ng trauma ang mga senior citizens.
Sinabi ni Salimbangon na hindi maaaring balewalain ang pangangailangan ng mga nakatatanda na kabilang din sa pinakabulnerableng biktima ng digmaan.
“Yung mga senior citizens kailangan na naman ng tulong, so we’re planning to ask help kasi wala kaming capacity to do psychosocial [intervention] From the psychologist sa mga institution before, kung paano maplano, saka matulungan yung mga needs ng mga senior citizens,” bahagi ng pahayag ni Salimbangon sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Salimbangon, bagamat mayroon nang mga naunang pumunta at tulumong sa pagbibigay ng psychosocial intervention, ay kinakailangan pang muling mabalikan ang iba pang evacuation centers dahil hindi lahat ng lugar ay naabot ng mga doctor.
Bukod dito, kasama rin aniya sa dapat bisitahin at hatiran ng mga tulong ang home-based evacuees o ang nakikituloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Aminado si Salimbangon na nuubusan na rin sila ng supplies para sa pagkain dahil bukod 3,482 na mga pamilya sa evacuation centers ay pinupuntahan narin nila araw-araw ang ilan sa 68,683 pamilyang nakikituloy sa kanilang kaibigan at kaanak sa Iligan City.
“Sa ngayon, medyo napabayaan na yung evacuation centers. Nagpupunta na kami sa mga home based. Dapat balikan at yung feeding, ipatuloy namin, kasi “Stop Feeding” kasi, medyo nagkaubos-ubos na rin yung resources, pero nagplano kami na ano…i-feed ulit [yung mga nasa evacuation centers],” dagdag pa ni Salimbangon.
Ayon kay Salimbangon mahigit 20 lamang ang volunteers ng Social Action Center sa Diocese of Iligan kung saan matagal-tagal pa ang gagawing sakripisyo at pagtulong ng kanyang grupo dahil hindi magiging madali ang pagbalik ng mga Maranao sa kanilang tahanan kahit matapos na ang giyera.
Dahil dito, muli nitong hinihimok ang bawat isa na magkaloob ng tulong para sa mga biktima ng digmaan sa Marawi City.
Una nang, nagbigay ng karagdagang 10-milyong piso ang Caritas Philippines para sa mga nasa evacuation centers at inihahanda na rin nito ang ibibigay na tulong sa mga home-based evacuees.
Samantala, nasasaad naman sa panlipunang katuruan ng simbahan na walang sinuman ang nagwawagi sa digmaan dahil, nagiiwan lamang ito ng labis na pangamba at kapighatian sa puso ng bawat biktima.