207 total views
Kinumpirma ng Social Action Center ng Diocese of Legaspi, Albay ang pagbaba ng bilang ng mga evacuees sa iba’t-ibang evacuation centers sa lalawigan.
Ayon kay Rev. Fr. Rex Paul Arjona, Social Action Director ng diyosesis, mula sa dating higit 84,500 na mga evacuees noong nakaraang linggo ay bumaba na ito sa 63,642 batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).
Gayunman, tiniyak ng Pari ang patuloy na pagsasagawa ng relief operations ng diyosesis partikular na ang pag-agapay sa mga katuwang nitong Church groups, networks at iba pang mga diyosesis na makapagpaabot ng tulong sa mga evacuees na patuloy pa rin ang mga pangangailangan.
Pagbabahagi ni Fr. Arjona, isa sa mga ginagawa ng Social Action Center ng Diocese of Legazpi ay ang pagtukoy sa mga evacuation centers na lubos na nangangailangan ng suporta at tulong dahil sa mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagbalik ng mga residente sa itinakdang danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon.
Inihayag rin ng Pari ang patuloy na pagbabantay at pag-antabay ng diyosesis sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) partikular na ang pagbababa ng Alert Level mula Alert Level 4 pababa ng Alert Level 3 na nangangahulugan ng paghupa ng aktibidad ng bulkan.
Una nang umapela ang Diocese of Legazpi, Albay ng spiritual intervention upang ipanalangin ng bawat isa ang kapakanan ng mga mamamayan sa lalawigan mula sa maaring panganib na maidulot ng ganap na pagsabog ng bulkang Mayon.
Nanawagan din ang Diocese ng Legazpi nang tulong para sa mga evacuees.
Read: Diocese of Legazpi, muling nanawagan ng tulong at dasal