370 total views
Nagpapasalamat ang Diocese ng Surigao sa natatanggap na tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Odette ilang araw bago ang pagsapit ng Pasko ng Pagsilang.
Ayon kay Fr. Denish Ilogon, Surigao Social Action Director, tuloy-tuloy din ang pagdating ng tulong sa lalawigan na pinakanasalanta ng bagyo lalo na sa Dinagat island at Siargao. and at sa Siargao.
“Ito po busy pa di tayo sa pamimigay ng relief goods sa mga lugar kasi marami pa nagdatingan na galing sa iba-ibang diyosesis tapos yun nabili namin kaya nandito pa kami sa bahagi ng relief operations. Kasama yun mga Islands pinaghati-hati naming,”pahayag ni Fr. Ilogon sa panayam ng Radyo Veritas.
Nanatili namang suliranin ng lugar ayon kay Fr. Ilogon ang pagkukumpuni ng mga nasirang bahay ng mga apektadong pamilya.
Umaasa ang Pari na sa lalong madaling panahon ay makatutulong na din sila para sa shelter assistance at rehabilitation sa pamamagitan na rin ng tulong mula sa simbahan at iba’t ibang organisasyon.
“Humihingi na ng tulong ang mga tao para sa bahay nila kasi lagi din naulan dito, sabi ko hopefully baka may mga dumating din ibabahagi din naman agad para makatulong sa mga bahay nila.” Paliwanag ng Social Action Director ng Diocese of Surigao.
Nagsimula na ani Fr. Ilogon ang kanilang pagsasagawa ng assessment para malaman kung ilang mga pamilya ang mangangailangan ng tulong para sa pagkukumpuni ng kanilang mga bahay.
“Tinitignan namin yun mga totally damaged kasi sa relief goods hindi lang totally damaged kasi lahat nangangailangan ng pagkain sa rehab i-survey natin yun mga totally para malaman natin ano ang kailangan nilang tulong for early recovery.”
Batay sa initial assessment na isinagawa ng Caritas Philippines, nasa mahigit 60 libong pamilya ang naapektuhan ng nasabing bagyo sa Surigao Del Norte at Dinagat Island.
Nagtutulungan ngayon ang iba’t-ibang Diyosesis sa Pilipinas para makapagbahagi ng ayuda sa mga nasalantang Diyosesis sa Visayas at Mindanao.