2,716 total views
Nakiisa ang Diocese of Balanga sa pagdadalamhati ng Diocese of Gumaca kasunod ng pagpanaw ni Bishop Victor Ocampo.
Inilarawan ni Bishop Ruperto Santos na regalo ng Bataan si Bishop Ocampo sa mananampalataya ng Gumaca Quezon.
“It is a very sad news for us all. The loss of the Diocese of Gumaca is also our lost. He is our gift to them. We share in the grief and bereavement of the lay faithful of the Diocese of Gumaca,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Gumaca Chancellor Fr. Tony Ryan del Moro inatake sa puso ang obispo at tuluyang pumanaw ganap na alas 5:58 ng hapon, March 16, kasabay ng ika – 71 kaarawan ng obispo.
Pinarangalan ni Bishop Santos ang namayapang obispo ng Gumaca dahil sa masigasig na pagmimisyong patnubayan ang kawang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
“In Bishop Vic we see and experience the goodness of God. He is truly a good Shepherd to here and there. He lives his life for his people,” ani Bishop Santos.
Ibinahagi ni Bishop Santos na nakatakdang magsagawa ng pilgrimage sa Bataan ang mananampalataya ng Gumaca sa pangunguna ni Bishop Ocampo sa March 20 bilang paghahanda sa mga Mahal na Araw.
Ipinanganak si Bishop Ocampo noong March 16, 1952 at naordinahang pari November 5, 1977.
Hinirang na ikatlong obispo ng Diocese of Gumaca noong June 12, 2015 at ginawaran ng episcopal ordination noong August 29 sa parehong taon sa pangunguna ni Cardinal Luis Antonio Tagle.
Sa mahigit apat na dekadang pagiging pari at pitong taong obispo ay lubos na itinalaga ni Bishop Ocampo ang sarili sa pagpapalaganap ng misyon ni Hesus lalo na ang pagkalinga sa mga higit nangangailangang sektor ng pamayanan.