211 total views
May 16, 2020, 11:53AM
Nagpahayag ng suporta ang Diocese of Balanga sa rekomendasyon ng Provincial Government of Bataan (PGB) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na mapabilang pa rin ang lalawigan sa ipatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine bilang patuloy na pag-iingat mula sa Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, kaisa ng pamahalaang panlalawigan ang buong diyosesis sa paghahangad na matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntuning pangkalusugan sa lalawigan.
Ibinahagi ng Obispo ang pangamba ng mamamayan sa posibilidad ng ikalawang bugso o second wave ng nakahahawa at nakamamatay na sakit na maaring maging bunga ng pagbaba ng General Community Quarantine sa lalawigan.
“With the position of the government, the Church supported and stood by them kasi nakita din natin ang pangangailangan na mag-test pa ng husto, mag-pray at saka i-treat kasi we are worried na baka magkaroon pa ng second wave at lahat ng dumating uli rito at umikot ay magiging suspect at magiging source ng spread ng virus” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Santos na kinakailangan pang makapagsagawa ng mga pagsusuri o tests at magamot ang mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19 sa Bataan bago pahintulutan ang pagpapapasok at paglabas sa lalawigan.
“kung hindi pa namin mati-test yung iba we are making everybody in danger and suspected to the virus kaya sinuportahan ng Simbahan…”Dagdag pa ni Bishop Santos.
Naunang nagpahayag ng pasasalamat ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan para sa suporta at pakikipagtulungan ng Diyosesis ng Balanga sa mga hakbang upang matugunan ang krisis na dulot ng pandemic na COVID-19.
Muli namang tiniyak ng Obispo ang patuloy na pagbubukas ng mga pasilidad ng buong diyosesis kabilang na ang mga college seminaries, diocesan schools at maging retirement homes ng mga pari upang magsilbing kanlungan ng mga frontliners at maging ng mga Persons Under Monitoring (PUM) at Persons Under Investigations (PUI) sa lalawigan.
Kaugnay nito, mula ika-15 hanggang ika-31 ng Mayo ay pinapayagan na ang mga religious activities sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ at GCQ.
Read: https://www.veritas846.ph/religious-gatherings-pinapayagan-na-sa-mga-lugar-na-nasa-ilalim-ng-mecq-at-gcq/