26,151 total views
Kumikilos na ang Diocese of Bangued sa lalawigan ng Abra para agad na makapagsagawa ng paunang pagtulong para sa mga naapektuhan ng paglindol.
Ayon kay Rev.Fr. Jeffrey Bueno, Social Action Director ng Diyosesis ng Bangued, nagsimula na ang kanilang on ground assessment at pagtukoy sa mga Parokya o Simbahan na may malaking pangangailangan ng pagtulong.
Aminado si Fr. Bueno na malaking pinsala ang iniwan ng Magnitude 7 na lindol sa lalawigan ng Abra kaya’t hindi magiging madali ang pagsisimula ng relief intervention ng Diyosesis na halos nasira din ang maraming imprastraktura, kapilya, at paaralan.
“Tinignan namin yun talagang affected na Churches yun mga school na sakop ng mga Parokya i-fofocus natin sa kanila yung ating intervention then may mga na-identify na kam ina pwedeng pagdalhan ng food packs, bukas ng umaga yung Social Action ng mational may pupunta na team dito at magdadala na din ng food packs.”Pahayag ni Fr. Bueno sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na ipapadaan nila sa mga Parokya at Kura Paroko nito ang tulong na kanilang ipaabot para sa mga apektadong residente.
“Sa mga Parishes in coordination with the Parish Priest para sila naman ang mag-identify ng mga nangangailangan doon sa areas nila, lalo na sa mga far-flung areas we will be dropping [goods] sa Parishes then they can help us to identify [beneficiaries]” dagdag pa ng Direktor ng Social Action ng Bangued Abra.
Bukas naman ang Diocese para sa ano mang tulong pinansiyal na nais ipaabot ng mga mananampalataya para makatulong sa kanilang gagawing relief operation.
Batay sa una nang panayam ni Fr. Bueno sa programang Veritas Pilipinas, sinabi nitong 24 na Parokya sa 27 Munisipalidad ng Abra Province ang napinsala ng lindol.
Para sa ano mang tulong o donasyon maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Social Action Center ng Diocese of Bangued o kaya ay mag-deposito sa bank account na; PNB Savings Account Name: Roman Catholic Bishop of Bangued, account number; 222-6100831-94