435 total views
Hinihikayat ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang mga mananampalataya na makibahagi sa gaganaping Earth Hour 2021 na magaganap sa ika-27 ng Marso.
Ayon kay Bishop Mangalinao, ang pagpapatay ng ilaw sa Earth Hour ay ang pagkakataon upang matulungan ang mundo na muling makapagpahinga mula sa iba’t-ibang pagsubok na dinagdagan pa ng krisis pangkalusugan at climate emergency.
“While we turn off all the lights, it is only by this darkness that the Earth will heal; and that is the time that we could be of help to the planet that we all want to take care of,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang Earth Hour ay hindi lamang isang beses sa isang taon ginagawa, kundi ito ay dapat palagiang isinasabuhay ng bawat isang naninirahan sa nag-iisang tahanang inihandog ng Diyo sa lahat.
“Kaya ang Earth Hour po ay hindi lamang minsanan, hindi lamang po isang araw o ilang araw. Bawat sandali ng ating buhay sa mundo [ay] kinakailangang bukas tayo sa pangangalaga sa tao, sa pamayanan, sa kalikasan. Itong ating tinatamasa ay regalo ng Diyos sa ating lahat,” paglilinaw ni Bishop Mangalinao.
Nanawagan naman ng Obispo sa mga mananampalataya na sundin ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco mula sa kanyang Laudato Si hinggil sa wastong pangangalaga at pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan.
“Maging bukas po tayo sa panawagan ng ating mahal na Santo Papa na meron lang tayong iisang mundong ginagalawan na habang ating pinangangalagaan ay siguradong pangangalagaan din tayo. Subalit anumang pagkasira na gagawin natin dito [sa kalikasan] ay mas malaking pagkasira sa buhay nating lahat,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Hinihimok sa Laudato Si ni Pope Francis ang mga mananampalataya na pangalagaan ang sangnilikha upang hindi tayo maging biktima ng pinsalang dulot ng ating kapabayaan.
Umaapela din si Bishop Mangalinao sa mga pari at relihiyoso na maging halimbawa ng pangangalaga at pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan.
Sinabi ng Obispo na malaki ang magagawa ng simbahan sa pangunguna sa pagpapaliwanag at maging mabuting halimbawa sa wastong pangangalaga sa inang kalikasan.
Tema ng Earth Hour 2021 ang #SpeakUpForNature.
Ipagdiriwang sa Marso 27 ang ika-14 na taon ng Earth Hour sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at mundo kung saan ganap na alas-8:30 hanggang 9:30 ng gabi ay gagawin ang pagpapatay ng mga ilaw at mga de-kuryenteng kagamitan.
Naunang nagpahayag ng pakikiisa ang Archdiocese of Manila at Diocese of Kalookan sa Earth Hour 2021.
Read: https://www.veritas846.ph/bigyan-ng-saglit-na-pahinga-ang-kalikasan-panawagan-ni-bishop-david/
https://www.veritas846.ph/bigyan-ng-saglit-na-pahinga-ang-kalikasan-panawagan-ni-bishop-david/