548 total views
Nag-alay ng panalangin ang Diocese ng Bayombong, Nueva Vizcaya para sa mga sinalanta ng bagyong Rolly at Ulysses maging sa mga nalubog sa malawakang pagbaha sa Region 2.
Ayon kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, bagamat hindi gaanong matindi ang iniwang pinsala ng mga nagdaang sakuna sa Diocese ay natagpuan naman mula sa isinagawang retrieval operations ang ilang katawan ng tao na nasawi at natabunan dahil sa landslide.
Dagdag pa ng Obispo na nakikipagtulungan naman ang lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Nueva Vizcaya sa pagbibigay ng mga pagkain para sa mga nasalanta ng bagyo habang mamamahagi naman ng mga damit at hygiene kits ang Diocese.
Ikinalungkot naman ni Bishop Mangalinao ang nangyaring malawakang pagbaha sa Archdiocese ng Tuguegarao, Cagayan at Diocese ng Ilagan, Isabela na nagdulot ng matinding epekto sa mga pamilya at residente at pagkasawi ng ilan sa mga ito.
Dahil dito, panawagan ng Obispo ang karagdagang tulong upang maipamahagi sa mga lubhang naapektuhan ng mga matinding pagsubok dahil sa iba’t ibang sakuna.
“Kaya lang sana, ako on behalf on this two bishops, please can we call on assistance? Talagang kami’y hirap na rin dito. Pero salamat sa Diyos may mga damit kaming mga naiipon na pwede naming ipadala agad sa mga tao,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radyo Veritas.
Ipinapanalangin din ng Obispo ang kaligtasan ng bawat isa mula sa mga nararanasang sakuna gayundin ang makapulot ng aral sa mga pangyayaring ito na pahiwatig ng pagmamakaawa at panawagan ng kalikasan upang ihinto na ang pagsira dito.
Panalangin ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao
“God, our Loving Father, of this time of our lives, we our very much aware of Your gift of life, of Your gift of environment, of Your gift of nature.
From everything that is happening around us, You are telling us something about life, about nature. Kindly help us to understand. Kindly help us to have an open mind and heart to whatever lessons we need to learn from these calamities happening in our land.
Dalangin po namin, Panginoon na matuto kami at sa kaalamang taglay, tulungan Mo kaming tumulong nang masigla, masaya sa abot ng aming kaya sa mga taong ngayon pong oras na ito ay nangangailangan.
Batid po naming kami’y magkakapatid, kami’y magkakaisang puso at diwa at pananampalataya. Kaya Panginoon, ang aming mga kamay, aming mga paa, ang puso, ang mata [ay] maging kamay Mo, puso Mo, paa Mo, mata Mo, para abutin ang lahat ng nangangailangan sa sandaling ito.
Habang kami’y nagpapasalamat na kami ay nakaligtas, gawin Mo po ang puso namin ay maging mapagbigay naman sa mga hindi pinalad tulad namin.
Ang lahat ng ito po’y aming hiling sa pangalan ni Hesu-Kristo kasama ng Espiritu-Santo magpasawalang hanggan.
Amen.”
Batay sa huling ulat ng Armed Forces of the Philippines, umabot na sa 24-katao ang nasawi, habang 13 naman ang nawawala sa nangyaring malawakang pagbaha sa Cagayan Valley dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat dam sanhi ng bagyong Ulysses.