10,424 total views
Hinihiling ng opisyal ng Diocese of Bayombong na masusundan pa ang mga hakbang upang mapigilan at mapahinto ang mapaminsalang pagmimina sa Nueva Vizcaya.
Ayon kay Diocesan Social Action Director, Fr. Christian Dumangeng, maituturing na tagumpay ang maipasa sa Bayombong Regional Trial Court ang Petition for Certiorari upang bawiin ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa mining operations ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) sa Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
“Panalangin ko na hindi sana masayang itong pag-file. Sana bigyan din ng chance ‘yung side ng simbahan tapos ‘yung adbokasiya ng iba’t ibang [non-government organizations], entities nang sa ganon ay at least may direksyon at may pagpupuntahan itong sinimulan,” pahayag ni Fr. Dumangeng sa panayam ng Radio Veritas.
Nagsilbing kinatawan ni Bishop Jose Elmer Mangalinao si Fr. Dumangeng nang magtungo sa Bayombong RTC upang isampa ang kaso laban sa OceanaGold.
Kasama naman ng pari sina Legal Rights and Natural Resources Center senior legal fellow Atty. Ryan Roset; Didipio Earth-Savers Multipurpose Association (DESAMA) vice chair Eduardo Ananayo; at dating Didipio Barangay Captain Erenio Bobolla.
“Hintayin natin kung anong mangyayari doon sa nai-file na case. Whatever result ang mangyayari kung positive siya then another convention or another meeting ang gagawin para mapaghandaan kung anong next approach,” saad ni Fr. Dumangeng.
Nagtapos ang 25-taong mining permit ng OceanaGold noong 2019, ngunit binigyan ng panibagong permiso ng Office of the President noong 2021 para sa karagdagang 25-taon.
Itinuturing ang Nueva Vizcaya bilang “watershed haven” dahil sa taglay nitong mga watershed na tumutugon sa pangangailangang patubig at pang-agrikultura ng lalawigan.