28,304 total views
Muling inaanyayahan ng Diocese of Borongan, Eastern Samar ang mga mananampalataya na makibahagi sa island-wide Jericho Walk upang ipanawagan ang tuluyang pagpapahinto sa mapaminsalang pagmimina sa Eastern Visayas.
Ayon kay Bishop Crispin Varquez, layunin ng malawakang paglalakad ang pananalangin at pagpapahayag ng pagtutol sa mga mapaminsalang gawaing lubos nang nakakaapekto sa kalikasan at buhay ng mga naninirahan sa isla.
Muling isasagawa ang paglalakad sa Guiuan, Eastern Samar sa November 29-30, 2023, kasama ang iba pang diyosesis na nakasasakop sa Eastern Visayas, ito’y ang Arkidiyosesis ng Palo sa Leyte; Diyosesis ng Catarman sa Northern Samar; Diyosesis ng Calbayog sa Samar; at Diyosesis ng Naval sa Biliran.
“We are called to be stewards of creation and to work towards a more just and sustainable future,” pahayag ni Bishop Varquez.
Unang isinagawa ng Diyosesis ng Borongan ang Jericho Walk noong Agosto 7, 2023 na dinaluhan ng humigit-kumulang 2,000 indibidwal.
Sa Eastern Samar, kasalukuyang nasa ilalim ng mining moratorium ang Manicani Island, habang nagpapatuloy naman ang operasyon ng apat na mining company sa Homonhon Island, ito ang Tech Iron Resources, Inc., Emir Mineral Resources Corp., King Resources Mining Corp., at Global Min-met Resources, Inc.
Mariing tinututulan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si’ ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga apektadong pamayanan.