624 total views
Nagbabala ang Diocese of Cabanatuan laban sa mga nagpapanggap na lingkod ng Simbahan na ginagamit ang pangalan ng mga pari ng diyosesis at ng Simbahang Katolika upang makapanglinlang ng mga mananampalataya.
Ibinahagi ng diyosesis ang larawan ng Facebook at Messenger account na nagpapanggap na si Rev. Fr. Cesar Bactol na humihingi ng donasyon para sa sinasabing ordinasyon ng mga seminarista ng diyosesis.
Kalakip din ng naturang babala ang larawan ng liham na nanghihingi ng donasyon kung saan makikita ang pangalan at lagda ni Fr. Bactol at maging ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud.
Paglilinaw ng Diocese of Cabanatuan na hindi nararapat manghihingi o mangangalap ng donasyon ang naturang pari sa pamamagitan ng social media.
Paalala ng Simbahang Katolika na sakali mang makatanggap ng mga kaduda-dudang solicitation letter lalo na sa pamamagitan ng online ay marapat na agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng parokya o ng diyosesis upang matiyak ang pagiging lehitimo ng natanggap na sulat para sa donasyon.