175 total views
Labis ang pasasalamat ng Diocese ng Cabanatuan sa Philippine National Police sa patuloy na masusing Imbistigasyon hinggil sa pagkakapaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo.
Ayon kay Rev. Fr. Noel Jetajobe, Vicar General at tagapagsalita ng Diyosesis, bukod tanging katotohanan at katarungan para kay Fr. Nilo ang hangad nilang makamit.
Ang pahayag ng Pari ay kaugnay sa pagkakahuli kay Omar Mallari noong Biyernes sa Barangay Arenas, Arayat, Pampanga na umamin sa krimen.
“Kami ay totally dependent sa effort ng PNP and in many ways ay nagpapasalamat kasi nakita naman yung effort nila, ngayon para sa amin kung ano man ang kalalabasan nito katulad ng sinasabi namin yun lang po sana ang katotohanan yun lang din naman po yung hinahanap namin nothing but the truth para wala na rin pong inosenteng tao ang magsuffer or mabigyan ng hustisya si Fr. Richmond Nilo.” pahayag ni Fr. Jetajobe sa Radio Veritas.
Bukod dito kinilala rin ng Diyosesis ang Desisyon ng Korte na pagwawalang sala sa naunang Suspek na si Adell Roll Milan dahil sa Mistaken Identity at kawalan ng sapat na Ebidensiya laban sa kaniya.
Sinabi ni Fr. Jetajobe na kung Inosente si Milan ay nararapat lamang itong palayain upang maiwasan ang pagkabiktima ng kawalan ng katarungan.
“Ngayon kung wala naman po talaga siyang kasalanan ay siyempre tama lang din naman yun dahil ayaw naman namin ng double injustice sa bagay na ito. Pinagdasal din po namin na kahit sabihin natin noong una initially siya yung itinuturo, na kung hindi siya ay sana mabigay ang nararapat na Hustisya para kay Mr. Milan.” dagdag ng pari.
Ipinagpatuloy din ng PNP ang Imbestigasyon sa pagkakahuli kay Mallari lalo’t may ilang mga pangalan itong binanggit na may kaugnayan sa pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo at ang dahilan sa pagpaslang sa Pari.
Kasabay ng pananalangin para sa katarungan ni Fr. Nilo, ipinapanalangin din nito ang pulisya na magampanan ang tungkulin sa paghahanap ng katarungan hindi lamang sa 3 paring biktima ng pamamaslang kundi maging sa lahat ng biktima ng karahasan sa lipunan.
Una nang kinundena ng Simbahang Katolika ang sunod-sunod na pagkapaslang sa mga Pari sa bansa at nanawagan sa mga Otoridad na paigtingin ang pagprotekta sa bawat mamamayan.