412 total views
Nakikiisa ang Diocese ng Catarman, Northern Samar sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Sa mensahe ni Catarman Bishop Emmanuel Trance, hinihiling nito na nawa ang bawat isa ay muling ialay ang mga sarili upang magampanan ang misyong iginawad ng Diyos sa sangkatuhan bilang mga katiwala at tagapangasiwa ng sangnilikha.
Dagdag pa ni Bishop Trance na sa kabila ng kapabayaan at pagsasamantala ng mga tao sa likas na yaman ng mundo, matagpuan nawa ng bawat isa ang pagsisisi sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga katuruan at gawaing naaangkop upang mapangalagaan at mapanatili ang ating nag-iisang tahanan.
“We in [Diocese of Catarman] joins the whole Church in this celebration! May we recommit ourselves to our Common Vocation as Stewards of Creation! For our neglect and irresponsible stewardship, may we show true repentance by common and individual concrete actions of owning failures and mistakes against the Oikos of God,” mensahe ni Bishop Trance sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, sinabi naman ni Legazpi, Albay Bishop Joel Baylon na ang paggunita sa Season of Creation ay panawagan sa bawat mananampalataya na itaguyod ang pangangalaga sa inang kalikasan kahit sa simpleng paraan.
Ito’y maaaring sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura, pag-iwas sa paggamit ng mga single-use plastics, maging ang pagtataguyod sa pangangalaga at pagmamalasakit sa kapaligiran na makatutulong upang unti-unting mabawasan ang epekto ng pagbabago ng klima at pag-init ng temperatura ng mundo.
“This year’s Season of Creation is an urgent call to all of us to do our best in whatever way we can to save our planet from an irreversible condition brought about by global warming,” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Tema ngayong taon ng Season of Creation ang ‘A Home for All? Renewing the Oikos of God’ na ipagdiriwang sa buong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 10 bilang paggunita sa Linggo ng mga Katutubo.