463 total views
Mas paiigtingin ng simbahan at lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagtutulungan para sa mga Overseas Filipino Workers.
Batid ni Mayor Joy Belmonte ang sakripisyo at hirap na pinagdaanan ng mga OFW sa ibayong dagat lalo na ang mga pamilyang naiwan sa bansa.
Dahil dito, itinatag ng lungsod ang Migrants Resource Center na pangunahing tanggapang mangangasiwa sa mga OFW gayundin ang pangangailangan ng mga pamilyang naiwan.
“Pinaka objective ng Migrants Resource Center office na ito is to provide services that we believe are needed by the families of migrant workers as well as our migrant workers returned,” bahagi ng pahayag ni Belmonte.
Nitong October 15, 2021 nilagdaan ng QC government, Dioccese of Cubao Migrants Ministry at Pastoral Care for Migrant Families in Novaliches (PAMINOVA) ang Memorandum of Partnership Agreement sa pagpapalakas ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng nasabing sektor.
Ayon kay PAMINOVA Director Fr. Leonides Laguilles, ito na ang pagkakataong matugunan ang sektor ng mga migrante sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at simbahan.
“I hope this can be a productive alliance the city government and the local church of the Diocese of Novaliches and Cubao; its a very big welcome and very iconic event that happened today,” ani Fr. Laguilles.
Tiniyak ng alkalde na palalawakin pa ang pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW lalo’t lumabas sa pag-aaral na ilan sa nalulong sa ipinagbabawal na gamot at naging out of school youth ang mga anak ng OFW dahil sa kakulangan ng paggabay ng magulang.
Umaasa si Belmonte na mas lumago pa ang programa sa pakikipag-ugnayan ng Diocese of Cubao at Novaliches migrants ministries na nagsusulong din ng kaparehong hangaring pangalagaan ang mga OFW na itinuturing na bayani sa makabagong henerasyon.
“I think working together mas marami po tayong maisasakatuparan mga programa at matutugunan na mga suliranin ng ating mga OFW,” ani Belmonte.
Batay sa tala ng pamahalaan mahigit sampung milyon ang bilang ng mga Filipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat upang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Naniniwala si Belmonte na kung mabibigyang oportunidad ang bawat Filipino sa bansa maiwasan na ang pagkahiwalay ng mga pamilya at matutukan ng mga magulang ang pagkalinga sa kanilang mga anak kaya’t isa ito sa mga tinututukang programa ng Quezon City sa pangunguna ng Public
Employment Service Office.
“The government should be focus on developing our own country so that Filipinos need not leave their homeland in order to provide for the basic needs of their family,” giit ng alkalde.
Ginanap ang signing of agreement ng magkabilang panig sa Quezon City Hall kung saan ito rin ay bahagi ng pagdiriwang sa ika – 82 anibersaryo ng pagkakatatag ng lunsod at National Migrants and Seafarers Day noong Setyembre.
Bukod kay Belmonte at Fr. Laguilles, dumalo rin sa pagtitipon sina Fr. Fernando Santos, SVD, Director ng DCCM at Rogelio Reyes, PESO Manager ng lunsod.
Una nang tiniyak ng simbahan sa Pilipinas ang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW lalo na sa pagbibigay kabuhayan ng mga pamilyang naiwan at edukasyon ng kanilang mga anak.