23,420 total views
Magsasagawa ng programa ang Urban Poor Ministry ng Diocese of Cubao sa pagdiriwang ng 8th World Day of the Poor sa November 17.
Ayon kay Ministry Coordinator Fr. Roberto Reyes,magbuklod ang diyosesis kasama si Bishop-elect Elias Ayuban, Jr. upang ipgdiwang ang natatanging araw na inilaan ng simbahan para mga dukha ng lipunan.
Ibinahagi ng pari na magsisimula ang gawain sa alas siyete ng umaga sa Barangay Pinyahan Health Center sa isang Kape at Pandesal kasama ang mga maralitang tagalunsod at ang ikalawang obispo ng diyosesis.
Sa alas otso ng umaga ang paglalakad patungong NIA Road Urban Poor Community kung saan pangunahan ni Bishop-elect Ayuban ang pagtutulak sa Kariton ni Kiko isang mascot ng Urban Poor Ministry ng Cubao.
Susundan ito ng Banal na Misa sa ikasiyam ng umaga na pangungunahan ni Bishop-elect Ayuban kung saan matapos ang homiliya ay itatampok ang testimonya ng apat na kinatawan mula sa grupo ng urban poor.
Magtatapos ang pagdiriwang sa Kamayan Agape kasama ang buong komunidad ng maralitang tagalunsod.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “The prayer of the poor rises to God” bilang paalala na pinakikinggan ng Diyos ang hinaing ng mga mahihirap sa lipunan.
Muli namang makisalo ng pananghalian ang Kanyang Kabanalan Francisco sa 1, 300 mga dukha sa Vatican matapos ang banal na misa sa St. Peter’s Square.
Bago ang misa babasbasan ni Pope Francis ang 13 susi na sumisimbolo sa 13 bansa kung saan ilulunsad ng mga Vincentians ang “13 Houses” project.
Saklaw ng proyekto ang pagtatayo ng mga bagong tahanan sa mga dukhang walang tirahan kasama na rin ang pagbibigay ayuda sa buwanang bayarin sa low income families sa pamamagitan ng kanilang mga parokya.
Kabilang sa 13 bansa ang Syria na madalas nakakaligtaang nahaharap sa matinding pagsubok at pagdurusa bunga ng mahigit dalawang dekadang digmaan sa lugar dahil sa kapangyarihan.