444 total views
Nananawagan ang Diyosesis ng Dumaguete sa mga media practitioners na maging responsable at totoo sa paglikha at pag-uulat ng mga balita.
Ito’y kasunod ng artikulong inilathala ng Negros Chronicle noong Setyembre 19, 2021 hinggil sa naging pag-uusap nina Dumaguete Bishop Julito Cortes at Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo tungkol sa binabalak na 174-hectare reclamation project sa lungsod.
“We call on media practitioners to be more responsible, accurate and truthful in their reporting and, thereby, not become purveyors of fake news or untruths,” pahayag ng Diyosesis.
Lubhang ikinadismaya ng Diyosesis ang inilathala ng nasabing pahayagan dahil lumabas dito na nagbago na ang isip ni Bishop Cortez at sumasang-ayon nang ituloy ang reclamation project sa lungsod ng Dumaguete.
“It was enough that Bishop Cortez and Mayor [Felipe Antonio Remollo] accomplished enough clarity to move on and leave the matter to the PRA to decide officially about the matter, at the proper time,” ayon sa inilabas na artikulo ng Negros Chronicle.
Samantala, napag-alaman ding mayroong lumabas na “open letter” noong Agosto 28 na nagsasabing kinakatawan ni Bishop Cortes ang damdamin ng mga sinasabing grupo ng “Catholic Parishioners” kaugnay pa rin sa reclamation project at ginamit din ng walang pahintulot ang opisyal na letterhead ng Diyosesis.
Habang noong Agosto 29 naman ay muling naglabas ng artikulo ang Negros Chronicle at dito’y nabanggit ang nasabing “open letter” na nauna nang nilinaw na hindi pagmamay-ari ng Diyosesis ng Dumaguete.
Ikinalulungkot din ng Diyosesis na hindi man lamang nakipag-ugnayan ang pahayagan kaugnay sa nasabing liham upang mabigyang-pansin at linaw ang saloobin ng lokal na simbahan.
“The said article provided the occasion to further spread the lies and deceit of the abovementioned Open Letter. By publishing the content of a spurious letter without the name of the person responsible for writing it, the publisher is deemed primarily liable for the harm that it caused and could further cause,” ayon sa pahayag.
Tiniyak naman ng Diyosesis na matatag ang paninindigan nito laban sa nasabing reclamation project na kaakibat din ang mga katuruang panlipunan ng simbahan partikular na ang Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco tungo sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis sa World Communications Day, binigyang halaga ng Santo Papa ang responsibilidad ng bawat isa sa paghahayag ng katotohanan dahil ang mga maling impormasyon ay nagdudulot ng panlilinlang na nakaapekto sa lipunan.