18,547 total views
Inihayag ng Diyosesis ng Gumaca ang pagdaragdag ng intensyon sa pakikibahagi ng diyosesis sa nakatakdang One Million Children Praying the Rosary Campaign.
Sa pamamagitan ng liham sirkular ay inihayag ni Gumaca Diocesan Administrator Rev. Fr. Ramon Uriarte ang pagdaragdag ng intensyon ng pananalangin ng Santo Rosaryo para pagdating ng bagong Obispo ng diyosesis na si Bishop-elect Euginius Cañete, MJ na magsisilbing bilang ikaapat ng obispo ng Diyosesis ng Gumaca, Quezon kahalili ng namayapang si Bishop Victor Ocampo noong 2023.
Bukod dito, idaragdag din ng Diyosesis ng Gumaca sa intensyon ng pakikibahagi sa nakatakdang One Million Children Praying the Rosary Campaign ang pananalangin para sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang proseso ng halalan at pangangampanya ng mga kandidato para nakatakdang 2025 Midterm Elections.
“Sa ating Diyosesis, idadagdag natin sa intensyon ang pagdating ng ating bagong obispo at ang mapayapa at maayos na kampanya ng mnga kandidato sa darating na halalan.” Bahagi ng liham sirkular ni Fr. Uriarte.
Nasasaad sa nasabing sirkular ang pag-aatas sa mga parokya at mga laykong mananampalataya sa diyosesis na makiisa sa taunang worldwide prayer event ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need.
Ayon sa Pari, kaisa ng ACN ang diyosesis sa layunin ng kampanyang hikayatin ang bawat isa sa pananalangin ng Santo Rosaryo ng Mahal na Birhen para sa pagkakaroon ng ganap na pagkakaisa at kapayapaan sa daigdig.
“Tayo po ay muling makikibahagi sa taunang kampanya ng Aid to the Church in Need (ACN) na pinamagatang “One Million Children Praying the Rosary.” Isasagawa ito sa Oktubre 18, 2024, Biyernes, sa ganap na ika-siyam ng umaga. Layunin ng kampanyang ito na hikayatin ang mga bata sa buong mundo na magdasal ng Santo Rosaryo ng Mahal na Birhen para sa kapayapaan at pagkakaisa ng lahat.” Dagdag pa ni Fr. Uriarte.
Kasabay ng Kapistahan ni San Lucas, Ebanghelista sa ika-18 ng Oktubre, 2024 ay muling isasagawa ang taunang sabayang pananalangin ng Santo Rosaryo para sa pagkakaisa at kapayapaan ng sanlibutan na may tema ngayong taon na na “Tinig ng Pag-asa ng mga Munting Alagad”.
Sa mga lalahok sa gawain maaring i-download ang prayer kits sa millionchildrenpraying.org. para magamit bilang gabay sa pananalangin.