3,499 total views
Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Diocese of Ilagan sa mga apektadong residente ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Rev. Fr. Carlito Sarte, Social Action Director ng diyosesis, handa ang mamamayan at parokya ng Diocese of Iligan na magbigay ng tulong sa mga biktima ng pagbaha partikular na sa Archdiocese of Tuguegarao.
“We will reach out to the neighboring parishes and if our diocese will have more than enough to help our constituents baka puwedeng mag-extend sa neighboring dioceses kasi ang alam kong tinamaan din dahil yun ang alam kong dadaanan is the Archdiocese of Tuguegarao kasi ang Cagayan river dadaan sa kanila” pahayag ni Fr. Sarte sa panayam sa Radio Veritas
Ibinahagi ng Pari na isang malungkot na pangyayari at dagdag pasakit sa mamamayan ang malawakang pagbaha sa lalawigan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nagpahayag rin ng kalungkutan at panghihinayang si Fr. Sarte sa pagkakalubog sa tubig baha ng mga palayan na malapit ng anihin.
Hinikayat naman ng Pari ang lahat na magtulungan sa kabila ng mga limitasyong dulot ng pandemya at patuloy na manalangin upang sama-samang malagpasan ang panibagong pagsubok sa mga biktima ng sunod sunod na bagyo at malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
“Isang malungkot na pangyayari ito, we are in the midst of pandemic and then this natural disaster ay dumadagdag. Ang isang talagang pasakit pa ay anihan ito yung pinaghuhugutan ng pag-asa ng marami and yet halos lahat lubog na din, so we keep on praying kasi that’s the only thing we can do right now and help each other. The church will continue to pray for everyone and the church will also do its best to respond kahit na limitado din kami…” Dagdag pa ni Fr. Sarte.
Ibinahagi rin ng Pari ang pakikipag-ugnayan ng Social Action Center ng diyosesis sa iba’t ibang mga organisasyon na maaring makatulong para sa pangangailangan ng mga apektadong mamamayan sa lalawigan.