368 total views
Hinimok ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs ang bawat isa na sama-samang ipanalangin ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pagsabog ng bulkang Taal.
Ayon kay Bishop Evangelista, nakahanda ang Diyosesis ng Imus, Cavite na tanggapin ang mga mangangailangan ng pansamantalang matutuluyan mula sa epekto ng bulkan.
“Mag-ingat lahat at magdasal tayo pare-pareho para sa kaligtasan ng lahat ng mga tao lalo na yung mamalalapit doon sa Taal Volcano, yun ang ating ipagdasal.. Open naman ang diocese handa naman tayo sa mga ganitong panahon, talaga namang dapat tanggapin ang mga kasamaan natin at mga affected na mga communities…” pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi naman ng Obispo na maging ang Imus, Cavite ay apektado rin ng ash fall mula sa pagsabog ng Bulkang Taal bagamat hindi naman kinakailangang ilikas ang mga residente sa kanilang lugar.
Pinapayuhan ni Bishop Evangelista ang mga residente na makabubuting manatili sa kanilang tahanan at sumunod sa mga paalala at tagubilin ng Department of Health at ng lokal na pamahalaan upang manatiling ligtas mula sa masamang epekto ng ash fall sa kalusugan.
“Dito meron din may ash fall, well hindi naman kinakailangang ilikas ang mga tao dahil sa ash fall sa totoo lang at wala namang ibang mapupuntahan na walang ash fall. Kung walang pagdadalhan ng tao para ma-prevent yung ash fall ang gagawin stay indoors at yun naman ang instructions din ng Department of Health at saka ng ibang mga nasa government…” paalala ni Bishop Evangelista.
Linggo, ika-12 ng Enero ng nagsimula ang phreatic eruption o ang pagbuga ng Bulkang Taal ng abo na walang kasamang magma kung saan batay sa tala ng Philvolcs tinatayang aabot ng 100-metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan.
Sa kasalukuyan umaabot na sa ilang mga karatig lugar sa CALABARZON, Central Luzon at Metro Manila ang ash fall na dulot ng pagsabog ng bulkan.
Nauna na ring nag-alay ng panalangin si Caritas Internationalis President at incoming Prefect for the Congregation of the Evangelizations of Peoples Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at Lipa Archbishop Gilbert Garcia para sa kaligtasan ng lahat ng mga mamamayan na apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.
Read:Panalangin, pagtutulungan;
panawagan sa pagliligalig ng bulkang Taal